INAASAHAN ng Sabah State Government na makakamit na nito ang herd immunity bago matapos ang buwan ng Oktubre nitong taon.
Inanunsyo ni Sabah Community Development at People’s Wellbeing Minister Shahelmey Yahya na maraming mga kadahilanan kung bakit mababa ang vaccination rate sa estado.
Ayon sa State Immunization Program director, sa simula ng phase 2 ng programa ng pagbabakuna, ang bilang ng mga taong may edad na 60 pataas na nakarehistro sa mysejahtera ay mababa.
Bukod dito, may kinalaman rin aniya sa limitadong suplay ng mga bakuna na magagamit sa Sabah bago ang kalagitnaan ng Hulyo.
Pero sinabi ni Shahelmey, pinapalakas ngayon ng State Government ang vaccination program sa buong estado at inaasahang makakamit ang herd immunity sa pagtatapos ng buwan ng Oktubre ng taong ito.
Kabilang sa hakbang ng gobyerno upang maabot ang target ay ang pagpapataas ng mga vaccination center sa iba’t-ibang lugar, pagkuha ng suplay ng bakuna, pagdaragdag ng awareness campaign ukol sa kahalagahan ng bakuna at pagpapahintulot na mag walk-in ng lahat ng mga residente para magpabakuna kontra COVID-19.
Sinabi niya na mayroong 224 na mga vaccination center ng iba’t-ibang mga kategorya sa buong estado na may kapasidad na magpasok ng 83,140 katao sa isang-araw.
Bukod pa sa mga nabanggit, ang COVID-19 immunization task force ay nagsasagawa rin ng outreach program sa mga nayon, isla at sa mga tirahan ng mga refugee.
Samantala, noong Setyembre 21, isang kabuuang 1,614,771 indibidwal o 59.4 porsyento ng populasyon ng may sapat na gulang sa Sabah ang fully vaccinated na habang nasa 1,959,277 katao o 72.1 porsyento ng populasyon ng nakatatandang populasyon ng estado ang nakatanggap ng kahit isang doses ng bakuna.