Higit 15K senior citizens sa QC, tatanggap ng cash card mula sa DSWD-NCR

Higit 15K senior citizens sa QC, tatanggap ng cash card mula sa DSWD-NCR

MAMAMAHAGI ng cash card ang Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR) sa Quezon City.

Sa datos ng DSWD-NCR, halos 15, 875 na mga senior citizen ang inaasahang makabebenipisyo mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City.

Ang naturang cash card ay bahagi ng Unconditional Cash Transfer (UCT) Program ng ahensya.

Sa abiso ng Quezon City government, sisimulan ang distribusyon ng UCT ngayong Sabado, Hulyo 16.

Magsisimula ang naturang distribusyon ng 8am-5pm sa Quezon City Hall Compound at COA LBP Branch.

Mababatid na ang UCT Program ay ang pinakamalaking Tax Reform Mitigation Program sa ilalim ng TRAIN Law.

Layunin nitong mabigyan ng cash assistance ang mga pamilyang maralita.

At malaking tulong ang matatanggap na cash card ng mga senior citizen na magagamit pandagdag panggastos lalo’t karamihan sa mga ito ay mayroong minimintinang gamot.

Paalala naman ng QC government, maaring bisitahin ng mga residente ng QC ang official website ng lungsod upang makita at matiyak na kabilang ito sa listahan na makatatanggap ng cash card ngayong Sabado.

Follow SMNI NEWS in Twitter