UMAASA ang Hugpong para kay Sara, na tatakbo parin sa pagka Pangulo sa May 2022 eleksyon si Mayor Sara Duterte.
Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Hugpong Para kay Sara (HPS) citizens movement na magbabago pa ang isip ni Davao City Mayor Sara Duterte.
Ito’y matapos maghain ng kandidatura ang alkalde ng Davao para muling tumakbo sa mayoralty race sa kabila ng panawagan ng iba’t-ibang grupo na tumakbo itong pangulo ng bansa.
Ayon sa HPS, ngayon na umatras si Pangulong Rodrigo Duterte sa vice-presidential race ay umaasa ang grupo na tutuparin ni Mayor Sara ang kasunduan nila ng kaniyang ama.
Ang usapan kasi ng mag-ama ay isang duterte lamang ang tatakbo sa national elections.
Patuloy rin na pinanghahawakan ng grupo ang patuloy na pamamayapag ni Mayor Sara sa mga nagdaang presidential surveys.
“The result of the latest survey shows that majority of the filipino people still prefer Mayor Sara to be the next president for the next six years despite her reluctance to seek presidency,”ayon kay House Deputy speaker and HPS spokesperson Bernadette Herrera.
Sa pinakahuling pulse asia survey, 20% sa 2,400 adult respondents ang nais maging pangulo ng bansa si Mayor Sara kumpara sa 15% na nakuhang boto nina Bongbong Marcos at 13% ni Isko Moreno.
