NAGING matumal ang ikatlong araw ng filing of Certificates of Candidacy (COC).
Nakatanggap ang Commission on Elections (Comelec) ng 14 Certificates of Candidacy (COC) sa ikatlong araw ng filing ng kandidatura para sa national elections sa susunod na taon.
Hindi tulad sa mga nakaraang araw, naging matumal ang pangatlong araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy sa Sofitel Hotel, Pasay para sa mga national position.

Sa pagsasara sa ikatlong araw ng paghahain ng kandidatura para sa 2022 elections, umabot lamang sa labingtatlong certificate of candidacy ang naihain sa Commission on Elections.
Kabilang sa mga naghain ng kanilang kandidatura sa Harbor Garden Tent ng Hotel Sofitel nitong Sabado ay ang independent candidate na si Tiburcio Marcos sa pamamagitan ng kanyang representative, na tatakbo sa pagka-pangulo.
Sa pagka-senador, tatlo ang naghain ng kandidatura, kabilang sina Najar “Jinggoy” Salih (Independent) at Luz “Lala Ganda” Aquino (Independent). Naghain naman ng kanyang COC si dating Senador Jinggoy Estrada bandang alas 3:00 ng hapon.
Nasa sampung party-list naman ang naghain ng kanilang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).
Kabilang rito ang ABONO, 1-UTAP, VOICE Philippines, MANIBELA, PATROL, 1A SECAP, ACT ONE, Ilocano Defenders, Parent Teachers Alliance at MAHARLIKA Partylist.
Wala namang naghain para sa pagka-bise presidente sa ikatlong araw ng COC filing.
Simula October 1 hanggang sa kasalukuyan ay nasa 8 ang naghain ng kandidatura sa pagkapangulo, 4 sa pagka bise presidente, 22 sa pagkasenador at 39 partylist.
Ang paghahain ng COC para sa May 9, 2022 national and local elections ay magtatapos sa Oktubre 8, 2021.
Bukas araw ng Lunes, magpapatuloy ang filing ng COC ng mga aspirant sa Sofitel tent sa Pasay City kung saan inaasahan na marami ang maghahain ng kanilang kandidatura.
