TAHASANG sinabi ni Attorney Harry Roque, private legal counsel ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi mapagkakatiwalaan ang International Criminal Court (ICC).
Sa panayam ng SMNI kay Roque, maraming bansa ang hindi nagpapamiyembro sa nasabing foreign entity.
Ipinaliwanag ni Roque na ang ICC ay isa lang complimentary jurisdiction hangga’t gumagana ang domestic justice system ng isang bansa.
Hindi aniya sila dapat mag-exercise ng jurisdiction maliban na lang kung wala nang kakayahan ang justice system ng bansa na resolbahin ang malalaking krimen na nangyayari sa kanila.
“Kaya po hindi sila naging miyembro dahil kinatatakot nga nila itong pupwedeng mangyayari na nangyari nga po sa Pilipinas na binabalewala ang soberenya, hurisdiksyon kasi paglitis sa mga kaso na nangyari sa teritoryo ng isang bansa kasama po ‘yan sa huriskdisyon at soberenya ng isang bayan. Kaya marami pong ayaw maging miyembro ng ICC kasi hindi natin pinagkakatiwalaan na ang ICC po’y igagalang ‘yung kasunduan na complimentary lamang po ang ICC jurisdiction gaya ng nangyayari sa Pilipinas,” pahayag ni Roque.
Kung titingnan lang din ayon kay Roque, sakaling totoong kriminal si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na siyang naglunsad ng drug war campaign, hindi sana mananatili ang mataas na trust at approval rating nito.
Maaalala na nais ng ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa Pilipinas makaraang makatanggap ito ng report na nagkaroon umano ng extrajudicial killings habang ipinapatupad ang drug war campaign ng Duterte admin.
Naniniwala naman si Roque na politika ang motibo ng suhestiyong ito at nagbigay rin ito ng payo na iwasan ni PBBM ang pagpunta sa Estados Unidos.
Ayon naman kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, mayorya sa Pilipino ay ayaw na mangingialam ang ICC sa soberenya ng Pilipinas maliban na lamang sa mga iilang kritiko ni Pangulong Duterte.
“Wala akong medyo narinig na Pilipino na gustong pumasok ‘yung ICC dito at magpakialam. Meron sigurong iilan ‘yung mga yellow talaga galit na galit nabubulagan sa kanilang hatred kay President (Rodrigo) Duterte, galit na galit sila. So para balikan si Pangulong Duterte at ang ‘yung gobyernong Pilipinas ay existing sila. Pero majority very tiny lang ‘yung kung meron man gustong bumalik ang ICC ay very negligible kumpara mo sa karamihan na ayaw na ayaw nilang manghihimasok ‘yung foreign entity na ‘yan sa ating sovereignty,”ayon sa senador.
Dagdag pa ng senador, maraming mga malalaking bansa ang hindi miyembro ng ICC.
Samantala, umaasa si Dela Rosa na magiging agresibo si Pangulong Marcos sa pagsugpo sa droga.
Minasama lang aniya ng iba ang ‘Oplan Tokhang’ kaya natigil ito subalit kung tutuusin ay nakatutulong ito para mapaimplementa ang drug war campaign.