Imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng Duterte admin, “politically motivated”– Sen. Bato

Imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng Duterte admin, “politically motivated”– Sen. Bato

MULING iginiit ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi siya makikiisa sa human rights investigation ng International Criminal Court (ICC) sa bansa.

Sa nagdaang linggo ay pinagkokomento ng ICC hanggang Setyembre 8 ang kasalukuyang administrasyon sa planong muling imbestigahan ang anila’y crime against humanity na ginawa ng dating Duterte administration.

“That’s an insult to our courts. Di ba mainsulto ang Supreme Court diyan na makialam sila na buhay na buhay ang ating Supreme Court? Gumagana naman eh di ba? From the outset they don’t have jurisdiction over us dahil hindi na nga tayo miyembro, bakit sila insisting na makialam dito?” kuwestyon ni Senador Bato.

Si Dela Rosa, dating PNP Chief na nanguna sa Oplan Tokhang bilang bahagi ng War on Drugs ng Duterte administration, ay naniniwala na politika ang nasa likod ng ginagawa ng ICC.

Sa imbestigasyon, number 2 accused si Dela Rosa sa kaso ng umano’y human rights violations.

“Alam mo, it’s..nagiging politically motivated na yung ginagawa nilang yun eh. Nakikialam sila sa politics ng bansa natin dahil nakikinig sila sa false reporting nung mga kalaban ng Duterte administration sa pulitika,” ani Bato.

Ang pahayag ni Senator Bato ay suportado naman ni Senador Robin Padilla.

Naniniwala si Padilla na oposisyon ng dating Duterte administration ang nagpapagalaw sa ICC.

“Sigurado naman oposisyon ang nagdala don eh ano naman sasabihin ng oposisyon di ba para sakin walang pinakamaganda sa lahat kundi kumuha sila ng mga tao talaga na nakakaalam kung ano talaga yung drugs sa Pilipinas,” ayon kay Padilla.

Setyembre 2021 inumpisahan ng ICC ang imbestigasyon sa war on drugs ng pamahalaan ngunit ito ay nasuspinde makalipas ang dalawang buwan.

Pero sa nagdaang buwan ng Hunyo ay muli naman itong pinabubuksan.

Kaugnay nito ay sinabi naman ni Senador Bong Go na dapat ay tigilan na ng ICC ang pagpapalaki sa isyu sa human rights.

“ICC should stop weaponizing the human rights issue and the international community should instead extend all necessary assistance to vibrant democracies, such as ours, trying to overcome the scourge of illegal drugs, in itself a threat to our own national security,” ayon kay Go.

Sa pahayag ng mga senador ay malinaw na ayaw nila sa pangingialam ng ICC pero kanila namang nilinaw na ipauubaya na lang nila sa kasalukuyang administrasyong Marcos ang pasya.

 

Follow SMNI News on Twitter