Ilang magulang, sinasabing dapat nang i-abolish ang K-12

Ilang magulang, sinasabing dapat nang i-abolish ang K-12

NAGLABAS ng hinaing ang ilang magulang sa umiiral na pagpapatupad na K-12 Program ng pamahalaan.

Anila dapat nang tanggalin ito dahil sa dagdag-pasanin lamang sa mga magulang.

Pero, gumagawa na umano ng hakbang ang pamahalaan ukol dito.

Isa pang taon ay magtatapos na ang anak ni Aling Regina sa senior high school.

Ngunit nasasayangan ito dahil imbes noon pa sana tapos ang anak sa sekondarya kung hindi lang ipinatupad ang K to 12.

“Siyempre, dadagdag pa sa gastos ‘yun eh,” ayon kay Regina, magulang.

Dahil nakasanayan noon pa para maka-trabaho ang bata maaga pa. Mabawasan ang gastusin at makatulong sa magulang.

Ang magulang na si Aling Edita, nag-aaral pa sa sekondarya ang kaniyang anak, pero ayaw na sana niyang dumaan pa ito sa senior high school o yung tinatawag na K to 12.

Kung siya aniya ang tatanungin, dapat nang i-abolish ang K to 12 dahil kapareho lang naman aniya ang itinuturo sa high school at sa senior high school.

Ang hinaing na ito ng ilang mga magulang ay inaaksiyunan na ng pamahalaan.

Aminado rin kasi si Vice President at Education Secretary Sara Duterte na congested ang content ng programa ng K to 12 Curriculum kung kaya’t plano itong baguhin.

Kaya naman, ang Education Department ay kasalukuyan nang nire-review ang K to 12 Curriculum.

“This is part po dito sa ating layunin na talagang ma streamline yung ating curriculum at ma-decongest din po, kasi napansin natin sa ating review ng ating curriculum na masyado pong congested ang ating curriculum. Meaning napakarami po niyang learning competencies na kailangan pong matutunan ng ating mga mag-aaral at hindi lang po yun noh na kailangan ituro ng ating mga guro which is very hard to do within the school year,” saad ni Atty. Michael Poa, Spokesperson, DepEd.

Panukalang K-10+2, handang talakayin ng House Committee on Basic Education – Rep. Romulo

Samantala, bukas naman si House Committee on Basic Education Chairperson Pasig Representative Roman Romulo na talakayin ang bagong K to 12 Program na itinutulak ni dating pangulo na ngayon ay Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa isang press forum, umaga ng Biyernes tinukoy rito ng mambabatas ang House Bill 7893 o “K-10+2” bill ni Arroyo.

Kung saan, babalik sa 10 taon ang basic education at pagsapit ng 4th year high school ay graduate na ang estudyante.

Magkakaroon naman ng “+2” years na inihalintulad sa preparatory university education sa Europa para sa mga nais tumuloy sa professional degree.

Pero, ani Cong. Romulo na hinihintay pa niyang mai-refer sa komite ang panukala para mapag-aralan ang nilalaman nito.

Pagbibigay-diin pa ng mambabatas, kailangang maipaliwanag sa panukala kung bakit epektibong opsiyon ang K-10+2 para sa mga mag-aaral.

Napag-alaman pa aniya na marami pa rin sa mga graduate ng K-12 Program ang hindi nakakakuha ng trabaho dahil college graduate pa rin ang hanap ng malalaking kompanya.

Habang, isinusulong pa ng mambabatas na napapanahon na upang bawasan ang subjects ng mga estudyante partikular sa elementarya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter