Ilang motorista, maagang bumiyahe para iwas-trapiko dahil sa long weekend, FIBA World Cup

Ilang motorista, maagang bumiyahe para iwas-trapiko dahil sa long weekend, FIBA World Cup

EXITED na si kuya Julius na mapanood ang laro ng Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA Basketball World Cup.

Kung kaya’t, maaga pa lang ay nakapila na ito sa isang booth sa bahagi ng Balintawak toll plaza sa North Luzon Expressway (NLEX) para makapag-kabit ulit ng Radio Frequency Identification (RFID) sticker kahit 4:00 ng hapon pa ang opening ng FIBA.

Gumayak din nang maaga si Kuya Norberto papunta sa Philippine Arena, pero bago riyan nagpalagay na rin ito ng RFID sticker upang maiwasan na maipit sa traffic dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga motorista na manonood din.

Iba pa rito ang mga biyaherong magsisi-uwian sa kanilang mga probinsiya ngayong long weekend.

Ang bakasyonistang si Tatay Rene mula sa ibang bansa napaaga rin ang kanilang biyahe papunta sa Dau, Pampanga para samantalahin ang long weekend simula araw ng Biyernes, Agosto 25 hanggang 28.

Ayon naman sa pamunuan ng NLEX Corporation, bandang 3:00 ng hapon ay nagsimula nang kumapal ang mga sasakyan na dumaan sa Balintawak Toll Plaza na palabas ng Metro Manila.

Ayon kay Robin Ignacio, Senior Traffic Manager ng NLEX Corporation, inaasahan nilang aabot sa 30% ang madaragdag na bilang ng mga sasakyan na dadaan.

Pinagsama na aniya ito ng mga motorista na papunta sa Philippine Arena at magbabakasyon ngayong long weekend.

Nagpakalat na rin ng mahigit 200 traffic personnel ang NLEX at incident response teams para umalalay sa mga motorista.

Para mas mapadali ang mga motorista, hinikayat niya ito na kumuha na ng RFID sticker para sa tuluy-tuloy na biyahe.

Bilang ng mga sasakyan sa kalsada, inaasahang madaragdagan dahil sa FIBA World Cup, long weekend—NLEX Corp.

Nagpapatupad din ng toll free ang NLEX Corporation sa bahagi ng Victoria Plaza na isa sa mga access point papunta sa Philippine Arena.

Partikular na makakalibre ang mga class 1 vehicle tulad ng mga SUV at Sedan.

Nagsimula ang libreng toll sa Victoria Plaza kaninang 12:00 ng tanghali at nagtapos kaninang 3:00 ng hapon.

Habang nagkaroon din ng libreng 400 point-to-point (P2P) shuttle services para sa mga kababayan na nais manood sa FIBA Basketball World Cup.

5:00 ng hapon ay pansamantalang isinara ang lahat ng public access point sa Philippine Arena dahil sa nasabing aktibidad kabilang ang Ciudad de Victoria Toll Plaza Northbound Exit, Southbound Ramp Exit, igulot intersection access via Mc Arthur Highway at Gate 3 sa Brgy. Bolakan.

Kung kaya’t, pinapayuhan ang lahat na dumaan na lamang sa mga alternatibong ruta sa Marilao, Bocaue o Tambubong.

Follow SMNI NEWS on Twitter