NILINAW ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na ang panukalang death penalty ay para lang sa high level drug trafficking offenses.
Ayon sa senador sa panayam ng SMNI News, hindi kasali ang small time trader para iwas na rin na tawaging anti-poor ang kanyang panukala.
“Limited lang ito doon sa high level drug trafficking offenders. Yung mga bigtime na druglords diyan na hindi kasama rito yung mga maliliit na drug pusher. Dahil nga iniiwasan natin iyong isyu na magiging anti-poor itong death penalty bill na ito. Dahil sabi nga nila ang mabibitay ay iyong mga mahihirap lang na walang kayang lumaban doon sa korte, walang panggastos sa abugado” ayon kay Dela Rosa.
Sinabi ni Dela Rosa na hindi nakausad o nagkaroon man lang ng isang hearing ang kanyang panukalang ito noong 18th congress dahil ang senate committee on justice and human rights ay pinamumunuan ni dating Senador Richard Gordon.
Subalit ngayon, malaki ang tsansa na matalakay ito dahil si Sen. Francis Tolentino na ang chairman nito sa 19th congress.
Kasabay sa death penalty ay isinusulong rin ni Dela Rosa ang maisabatas ang NTF-ELCAC.
Ito’y para kahit sino ang magiging pangulo ng bansa ay hindi mawawala ang ELCAC na siyang tumututok kontra insurhensya.
