UMAPELA ang mga abogado ni Julian Ongpin sa Department of Justice (DOJ) na i-dismiss na bawiin ang kasong possession of illegal drugs laban sa kanilang kliyente.
Sa kanilang petisyon, sinabi nina Atty. Dennis Manalo at Roberto Francisco Beltran, na bigo ang mga awtoridad sa paghawak sa ebidensya laban kay Ongpin kasunod ng pagkamatay ng girlfriend nitong visual artist na si Bree Jonson.
Nangyari ang insidente sa Flotsam and Jetsam Hostel sa La Union noong Setyembre kung saan natagpuan ang katawan ng namatay na si Bree.
Ayon sa mga abogado ni Ongpin, nilabag ng mga pulis ang ‘chain of custody rule’ nang isinagawa ang pagproseso sa crime scene na nangangailangan ng presensya ng mga witness tulad ng mismong akusado o ng kanilang abogado; ng isang elected public official, ng isang kinatawan ng national prosecution service o kaya ng kahit isang kinatawan ng media.
Ipinunto ng kampo ni Ongpin na ang itim na pouch na pinaglagyan ng 12.6 gramong cocaine na natagpuan ng mga pulis sa pinangyarihan ng insidente ay pag-aari ni Jonson dahil kasama rin sa naturang lagayan ang iba pang mga gamot ng artist.
Matatandaan na parehong nagpositibo sa paggamit ng cocaine sina Ongpin at Jonson.
Bukod dito, hiniling din ng mga abogado ni Julian Ongpin sa DOJ na alisin ang Hold Departure Order (HDO) laban dito na inilabas noong Oktubre a-otso.
Samantala, nagsagawa naman ng ikalawang awtopsiya kay Jonson ang National Bureau of Investigation (NBI) para matukoy kung may foul play sa insidente.