Kauna-unahang OFW Hospital sa bansa, magsisimula nang mag-operate ngayong araw

Kauna-unahang OFW Hospital sa bansa, magsisimula nang mag-operate ngayong araw

 

MAGSISIMULA nang mag-operate ang kauna-unahang OFW Hospital sa Pampanga bilang polyclinic ngayong araw.

Dinaluhan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagpapasinaya ng kauna-unahang OFW Hospital sa Brgy. Sindalan, San Fernando, Pampanga nitong Linggo, Mayo 1 kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.

Naroon din sa inagurasyon sina Senator Christopher ‘Bong’ Go, dating pangulo at ngayong Presidential Adviser on Clark Flagship Programs and Projects Gloria Macapagal Arroyo, Executive Secretary Salvador Medialdea, ilang opisyal mula sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng DOH, DOLE, OWWA, POEA, PAGCOR, at mga representante mula sa Provincial Government ng Pampanga.

Sa isang talumpati, sinabi ni Pangulong Duterte na ang pagkakaroon ng OFW Hospital ay pasasalamat nito sa hindi matatawarang kontribusyon sa ekonomiya ng mga migrant worker.

Legasiya at regalo rin ito ni Pangulong Duterte bilang pasasalamat sa OFWs na nagsisilbing partner ng pamahalaan sa ‘nation building’.

“Please know that this is the government’s way of thanking our OFWs for their valuable contributions to our country’s socio-economic progress and for their critical role in upholding the Filipino identity in the global community. This is why I express my full support to initiatives that promote the welfare and development of OFWs who are among our reliable partners in nation building, especially during challenges, calamities and events such as the COVID-19 pandemic,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Kinilala naman ng Pangulo ang hindi basta-bastang sakripisyo ng mga itinuturing na ‘mga bagong bayani’ para mabigyan lamang ng magandang buhay ang kanilang pamilya.

 “Their unwavering dedication and perseverance as well as their sacrifices to provide for their families make them worthy to be called “Mga Bagong Bayani. Let me also take this opportunity to encourage the management, staff and various healthcare professionals who will work in the facility, to perform your duty with utmost excellence, responsibility and compassion,” ani Duterte.

Kung maalala, pinirmahan ni Pangulong Duterte noong December 2021 ang isang executive order upang pabilisin ang konstruksyon ng OFW Hospital.

Simula ngayong araw, Mayo 2, ang OFW Hospital ay magsisilbi bilang polyclinic at unti-unting magbubukas ng karagdagang serbisyo, pasilidad, at operasyon sa mga susunod na linggo at buwan.

Inaasahan naman ang full operation ng ospital sa katapusan ng Hunyo.

Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Usec. Benjo Benavidez na libre ang mga serbisyo ng nasabing ospital sa mga OFW kasama ang kanilang dependents.

Wala namang limitasyon sa bilang ng dependents ng OFWs ang maka-a-avail ng mga inaalok na serbisyo sa ospital.

Itoy hangga’t nakarehistro ang migrant workers sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Samantala, inihayag ni Senator Go na bilang Chair ng Senate Committee on Health, ibibigay niya ang kanyang buong suporta at kahandaang magbigay ng tulong para matiyak na mapabuti ang pagbibigay-serbisyo ng nasabing ospital.

Available sa OFW Hospital ang one-stop Malasakit Center at OWWA desk na naglalayong magkaloob ng mabilis na access sa assistance kasama ang billing at mga medisina.

Itinayo ang naturang pasilidad sa isang 1.5-hectare lot property sa San Fernando na idinonate ng Pampanga provincial government.

Samantala, inaasahan ang pag-turn over ng OFW Hospital sa DOLE bago matapos ang buwan ng Hunyo.

Follow SMNI News on Twitter