SA higit 40 taon ng pagkakatatag, ngayon lang nakaranas ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ng panggigipit mula sa gobyerno. At iyan ay sa ilalim ng pamumuno ni Ferdinand Marcos Jr.
“Hindi po kami naka-experience ng ganito for the past years, for the past administration po. Ngayon lang po. ‘Yung panggigipit, ‘yung pangha-harass, lahat ng injustices, ginagawan po kami ng kaso, ang aming mahal na Pastor ginagawan po ng mga kaso na wala naman pong basehan. Hindi po terorista, hindi po kriminal pero nilagyan po ng 10 million bounty, at kung mapatay, tinaasan pa, 30 million po,” ayon kay Carlo Catiil, Resident Minister, KOJC.
Sabi ni Catiil, dahil tinaasan pa ang bounty para sa ikadarakip ni Pastor Apollo ay tila baga nagkukumahog ang mga ito at nag-uunahang maaresto ang butihing pastor.
Ang sabi – kapalit daw kasi ng kumpitensiya sa pagitan nina Police Regional Office 11 Director General Nicholas Torre at Davao City Police Office acting Director Colonel Hansel Marantan ay ang alok na maging susunod na PNP chief.
“So ‘yung mga kapulisan ngayon, opisyal sa kapulisan, nag-uunahan. Itong si Manong Torre, si Marantan, nag-uunahan sila. For their personal interest, baka gusto sila maging PNP chief sa susunod, itong kay Marbil na wala namang achievement. So ito ‘yung ginagawang trophy si Pastor,” dagdag ni Catiil.
Ayon pa kay Catiil, gumagamit na sila ng mga high-tech na mga gadget gaya ng listening devices, telescope, at thermal scanners para lang tugisin si Pastor Apollo dahil aniya sa naghahabol na sila sa deadline.
At iyan ay bago ang presidential elections sa Estados Unidos sa Nobyembre.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang inhustisya ng administrasyong Marcos sa KOJC, muling binigyang-diin ni Catiil na hindi sila titiklop at yuyuko sa abusadong gobyerno na ito.
“Ito po ang sasabihin namin sa buong Kingdom of Jesus Christ, at sa wicked government po na ito, we know that the Almighty Father that we are serving in heaven, He will save us, for sure. But in case, whether the God in heaven that we are serving will save us or not, we will not bow down to this injustices, to this wicked government. Lalaban at lalaban po kami sa lahat po ng inyong mga injustices. ‘Yan po ang masasabi namin. Itaga niyo po ‘yan, patay kung patay, dadanak po ang dugo, hindi po kami titiklop sa lahat po ng mga injustices na ginagawa po ninyo,” diin pa nito.
Para kay political commentator na si Jay Sonza nababalot ng pangamba at takot ang Davao City dahil sa pandarahas ng ilang mga opisyal ng Pambansang Pulisya.
Dahil dito may panawagan si Sonza sa publiko para supilin ang nasabing pandarahas.
“Kung sakali po gawin nila ‘yung kanilang ninanais gawin ngayon no o sa susunod na araw, ako nanawagan na ako sa mga kapitbahayan ko sa labas sa Davao City na manatiling nakatutok sa SMNI kasi hindi natin papayagan na hindi ito malaman ng buong daigdig. Nakausap din natin ‘yung ibang matitinong mga pulis at ilang sundalo. Kaya ngayong uulit-ulitin natin sa kanila ngayon po ang panahon na kakailanganin po natin ang lahat ng pwersa para supulin itong ganitong klase ng pandarahas ng ilang ambisyosong mga heneral sa PNP,” pahayag ni Jay Sonza, Political Commentator.
