HINDI nangangamba si Senate President Tito Sotto III sakali mang tatakbo sa pagkabise presidente si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Matatandaan na sinabi ni SP Sotto ang kaniyang posibilidad na pagtakbo sa pagkabise presidente sa darating na halalan habang si Duterte ay inuudyukan naman ng kanyang partido na PDP Laban na tumakbo sa naturang posisyon.
Ayon kay Sotto, taumbayan na lang ang magdedesisyon kung sino man ang nararapat para sa posisyon.
Sinabi pa ni Sotto na mananatili ang kanilang pagiging magkaibigan kahit pa sakaling pareho silang tatakbo ni Duterte sa pagkabise presidente.
Samantala, meron namang malaking posibilidad na maaring si Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson ang maaaring ieendorso ng Nationalist People’s Coalition o NPC para sa pagkapangulo.
Pero ayon kay Sotto na siyang acting chairman ng NPC, ito ay pag-uusapan pa ng buong partido.
Matatandaan na sinabi ni Sotto na tatakbo ito sa pagkabise presidente kung tatakbo sa pagkapangulo si Lacson.
Sinabi naman ni Lacson na kung sakali mang tatakbo ito ay hindi na niya pipiliing maging independent.
Isinasantabi naman ni Sotto ang posibilidad na ia-adopt ng kanyang partido si Senator Manny Pacquiao.
Ayon kay Sotto, solid pa rin daw kasi ang suporta ng PDP laban kay Pacquiao bilang kanilang acting president.
(BASAHIN: Duterte: “magandang ideya”ang pagtakbo bilang bise presidente)