Mabilis na pag-aksyon vs vote-buying, tiniyak ng DOJ

Mabilis na pag-aksyon vs vote-buying, tiniyak ng DOJ

KASUNOD ng pagkabuo ng Task Force Kontra Bigay, ay tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na magkakaroon ng mabilis na aksyon laban sa pagbili at pagbenta ng boto o vote-buying ngayong panahon ng eleksyon.

Tutulong ang DOJ sa Task Force Kontra Bigay ng COMELEC para masugpo ang problema ng vote buying.

Sa panahon ng halalan, may ilang indibidwal na nag-aalinlangan kung itutuloy ang reklamo sa mga kandidatong gumagawa ng ilegal na gawain partikular sa isyu ng vote buying.

Ito’y dahil sa usapin ng kaligtasan at maaaring natatagalan ang mga ito sa proseso sa harap ng idinudulog  na reklamo.

Ito ang kadalasang umuusbong na problema kaya mahirap ding masawata ang mga sangkot sa vote-buying sa panahon ng pangangampanya o eleksyon.

Subalit sa pagkabuo ng Task Force Kontra Bigay, sinabi Justice Secretary Menardo Guevarra sa Laging Handa public briefing na aasahan ng publiko ang mabilis na aksyon  ng mga pamahalaan o mga otoridad sa mga posibleng reklamo.

“Bibigyan iyan ng preferential attention. Kaya makakaasa naman ang mga tao na right away ay aaksiyunan iyan ng mga members ng Inter-Agency Task Force particularly the DOJ agencies ‘no,” pahayag ni Guevarra.

Gayunpaman, ipinaliwanag ng kalihim na susundin pa rin ang principle ng due process.

Ibig sabihin, bibigyan din ng pagkakataon ang inireklamo na magpaliwanag ng kanyang panig.

Binigyang-diin naman ni Guevarra ang kahalagahan ng pagkilos ng mga taong nakakakita na mayroon ngang ganitong violations o vote buying.

Ipinunto rito ng opisyal na dapat magsumbong sa mga kinauukulan o maghain ng reklamo ang mga nakasaksi ng ganitong ilegal na gawain.

“Kasi kung hindi ka naman magpa-file ng complaint eh di parang nagkukuwentuhan lang tayo, nagtsitsismisan lang tayo na may vote-buying dito, may vote-buying doon, pero wala naman tayong ginagawa. So iyon ang mas mahalaga – kumilos tayo, magsumbong tayo. At kapag nagawa natin iyan, leave it to the agencies concerned to process your complaint,” ayon kay Guevarra.

Naglahad naman ang DOJ ng ilang pupuwedeng gawin ng complainant.

“Puwede namang anonymous iyan. Halimbawa, lumapit kayo sa Public Attorney’s Office or sa DOJ Action Center para i-submit iyang ebidensiya na, halimbawa, mayroon kayong video recording, i-submit ninyo lang iyan kahit na hindi ninyo ibigay ang inyong buong pangalan or address for security reasons, and we will take care of the rest,” ani Guevarra.

“Normally ang gagawin namin diyan ay iri-refer namin iyan sa National Bureau of Investigation for case build-up,” dagdag ng kalihim.

Samantala, ibinahagi ng DOJ ang dalawang pangunahing elemento ng vote-buying offense.

Una, iyong act of offering o pag-aalok, pangangako o pagbibigay ng pera o anumang may ‘value’ sa mga botante.

Pangalawa, iyong intention o kung ang layon noong pagbibigay o ipinangangako.

“Kung ang intention noong pagbibigay o pangangako ay para ma-induce iyong voter to vote for or against a particular candidate or person ay iyon ang magiging—the combination of those two elements will make the offense of—will make up the offense of vote-buying,” ayon pa kay Guevarra.

Saysay pa ni Guevarra, may karampatang parusa ang anumang uri ng vote-buying sa ilalim ng Omnibus Election Code.

Una nang inihayag ni COMELEC Commissioner George Garcia na ang Multi-Agency Task Force na “Kontra Bigay” ay binubuo ng mga ahensya ng gobyerno na may layong sugpuin ang vote buying at vote selling.

“Seryoso po ang inyong Commission on Elections, ang inyo pong pamahalaan na masawata, mapigilan ang isyu ng vote buying. Dahil kapag may vote buying ay hindi po magri-reflect ang tunay na sentimiyento ng ating mga kababayan,” ayon kay Garcia.

“Eh kabilin-bilinan pa naman ng ating Pangulo na sinabi niya, talagang legacy niya ay ang isang malinis na halalan at isang halalan na credible na paniniwalaan ng sambayanan,” dagdag ng opisyal.

Bilang suporta sa inisyatiba ng COMELEC, inilahad din ni Guevarra na bubuo ng composite team ang DOJ na maaaring magsagawa ng sariling imbestigasyon patungkol sa vote buying na may kriminal na aspeto.

Sa pangunguna ng COMELEC, kabilang din sa Task Force Kontra Bigay ang DOJ, National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Philippine Information Agency (PIA).

Follow SMNI News on Twitter