Mahigit 300 pamilya sa Malabon, QC tumanggap ng pabahay sa ilalim ng Duterte admin

Mahigit 300 pamilya sa Malabon, QC tumanggap ng pabahay sa ilalim ng Duterte admin

NAKATANGGAP ng pabahay ang 370 pamilya sa lungsod ng Malabon at Quezon City sa ilalim administrasyong Duterte.

Opisyal ng ipinamahagi ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) katuwang ang Social Housing Finance Corporation (SHFC ) ang high density housing project para sa mga formal at informal settler sa National Capital Region (NCR).

Kabilang sa mga benepisyaryo ay ang mga na naninirahan sa mga waterway at danger zone area na hirap makahanap o makabili ng sariling tirahan.

Ang mga napiling relocation site ay nagmumula sa 9 Rosal St., Barangay Longos, Malabon at Bethsaida St. ng San Agustin, Novaliches, Quezon City.

Ang ceremonial housing turnover ay pinangunahan nina DHSUD Secretary Eduardo Del Rosario at SHFC President Atty. Arnolfo Ricardo Cabling at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Sa mahigit dalawang taong konstruksyon ay opisyal ng ibinigay sa mga benepisyaryo ng  Marangal Village Homeowners Association ang bahay na matagal na nilang ninanais.

Ang three-story building sa Malabon na mayroong total aggregate area na 12,196 square meters habang may lawak na 22 square meters ang kada unit ay kayang makapag-accommodate ng halos 282 pamilya.

Ang four-story building naman sa Novaliches na mayroong 24 square meters na sukat kada unit ay kayang tirahan ng halos 92 pamilya.

“Nakakataba talaga ng puso na madinig na for so many years nakatengga itong project and then during the term of the president nagawan natin ng nararapat na paraan para matapos ang project at maibigay ang mga housing unit sa mga informal settler,” ani Del Rosario.

“Kaya ito yung objective ng pagka-create ng department ay ang makabigay tayo ng tulong sa mga low income families to capacitate them by providing affordable yet decent housing units,” dagdag niya.

Saad ni Del Rosario isa sa mga hamon na kanilang hinarap ay ang availability ng mga lupa at ang pondo na gagamitin sa pagpapatayo ng mga housing project ngunit hindi ito naging hadlang para tapusin ang nasabing mga proyekto na isa mga mandato ng pangulo.

Iginiit pa nito na ang pagkakaroon ng sariling bahay ngayong may kinakaharap na COVID-19 pandemic ay malaking kaginhawaan sa mga benepisyaryo.

Kumpyansa naman si Atty. Cabling na matatapos at maipamimigay ang mga natitirang backlog na housing projects sa mga informal settlers.

“We always say that we are confident that we can deliver more housing projects like this – with quality, very decent, very affordable and very inclusive, meaning whether where you come from everybody will be included,” ani Cabling.

Isa mga hinihinging requirements upang maging benepisyaryo ay ang birth certificate, valid IDs, family picture at katibayan na ikaw ay nakatira sa mga danger zone area o di kaya’y nasa water ways area.

Limitado lamang sa limang miyembro kada pamilya ang maaaring maka-avail sa pabahay project ng ahensya.

Tiniyak naman ng bawat benepisyaryo na mababayaran nila ang kanilang tungkulin sa bahay na kanilang nakuha.

May community saving naman ang asosasyon kung saan linggo-linggo ay naghuhulog ang bawat benepisyaryo.

Ang nasabing housing project sa Malabon ay ginawa na naayon sa kakayahan ng bawat informal settlers.

Tinatayang nasa Php450,000 ang halaga ng bawat unit at maaari nila itong bayaran ng Php1,300 kada buwan sa loob ng 30 taon.

Sa kasalukuyan, nasa 85% na ang total completion rate pagdating sa housing projects nationwide.

Tiniyak ng housing department na kayang matapos ang lahat ng proyekto bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

SMNI NEWS