INIHAYAG ng National Task Force Against COVID-19 na naging epektibo ang COVID-19 response ng gobyerno dahil sa pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ng 7.1% ngayong ikatlong quarter ng taon.
Bukod pa rito, sinabi ng NTF na bumaba na rin ng limang porsyento ang positivity rate ng kaso ng COVID-19.
Ayon pa kay Assistant Secretary Wilben Mayor, pinuno ng Strategic Communications on Current Operations ng National Task Force against COVID-19, ang gradual response ng gobyerno ay nagreresulta na ng pagbabago lalo na sa darating na pasko.
Samantala, kampante naman ang NTF na mababakunahan ang 50% ng populasyon bago matapos ang taong ito.
Sa ngayon, sinabi ni Sec. Wilben na naghahanda na ang gobyerno para sa massive vaccination drive mula November 29 hanggang December 1 na inaasahang mag-administer ng 15 million dosis ng bakuna sa loob ng tatlong araw.
Base sa huling datos ng NTF, aabot na sa 118 million doses ng COVID-19 vaccine ang nakarating na sa bansa.
