Malacañang kay Rep. Sandro Marcos sa isyu ng impeachment vs PBBM: Wala dapat kinikilingan

Malacañang kay Rep. Sandro Marcos sa isyu ng impeachment vs PBBM: Wala dapat kinikilingan

Iginiit ng Malacañang na dapat gampanan lamang ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang kaniyang mandato sakaling mapabilang sa order of business ng Kamara ang impeachment complaint laban sa kaniyang ama na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro sa Palace briefing, wala siyang impormasyon kung napag-usapan na ng mag-ama ang naturang usapin.

Gayunman, malinaw aniya ang palagi nang tagubilin ng Pangulo sa kaniyang anak na gawin lamang ang kaniyang trabaho at pairalin ang pagiging patas.

“Hindi puwede rito ang kamag-anak, kaalyado. Kung ano po ang mandato ni Congressman Sandro, ipatupad po niya iyon. Wala dapat siyang kinikilingan, kahit ama po niya ang masasabing malalagay dito sa impeachment complaint,” saad ni Usec. Claire Castro, PCO | Palace Press Officer.

Kaugnay ng pahayag ni Bukidnon Second District Rep. Jonathan Keith Flores tungkol sa one-year bar rule ng Konstitusyon—na nagbabawal sa pagtanggap ng panibagong impeachment complaint sa loob ng isang taon kapag ang naunang reklamo ay opisyal nang na-refer at na-initiate—nilinaw ng Malacañang na hindi ito nagbibigay ng anumang bentahe sa Pangulo.

Sabi ni Castro, kahit sino pa ang nagsampa ng impeachment complaint, hindi ito nakabubuti sa imahe ng Pangulo at maaari ding makaapekto sa pananaw ng mga ekonomista at sa ekonomiya ng bansa.

Aniya, ipinahihiwatig nito na may mga sektor na hindi nasisiyahan sa pamamalakad o pagtatrabaho ng Pangulo.

“Hindi po natin masasabi na ang pagpa-file ng impeachment complaint paunahan ay bentahe sa Pangulo. Kahit sino pa po ang nag-file niyan, hindi maganda sa imahe ng Pangulo na siya ay masampahan ng impeachment complaint,” dagdag ni Castro.

Samantala, sinabi rin ng opisyal na nananatili ang posisyon ng Pangulo hinggil sa isyu.

Iginagalang umano nito ang mga reklamong inihahain at nananawagan ng pagsunod sa Konstitusyon at sa tamang proseso.

Una nang sinabi ni Congressman Flores na wala umanong ibang pagpipilian si Cong. Sandro kundi i-refer sa House Committee on Justice ang impeachment complaint laban sa kaniyang ama.

Si Cong. Marcos, na anak ng Pangulo, ay kasalukuyang chair ng House Committee on Rules.

Ipinaliwanag ni Flores na ayon sa mga patakaran, kinakailangang i-refer ang reklamo sa Committee on Justice.

Dagdag pa niya, kahit si Cong. Sandro pa ang House Majority Leader at kahit ang impeachable officer na tinutukoy sa reklamong ito ay ang sarili niyang ama, wala siyang magagawa sapagkat malinaw ang proseso: matapos maisama sa order of business, sa loob ng tatlong araw ay kailangan na itong i-refer sa Committee on Justice.

PBBM, kumpiyansang ’di magtatagumpay ang impeachment complaint; wala umano itong ginawang impeachable offense—Palasyo

Sa isa namang maikling panayam ng media, inihayag ni Palace Press Officer Claire Castro na kumpiyansa ang Pangulo na hindi magtatagumpay ang impeachment complaint dahil wala umano itong ginawang impeachable offense.

“Hindi naman po siya nababahala dahil alam niya na wala siyang ginawang impeachable offense na maaaring masabi na siya ay dapat managot. Alam po niya na siya ay nagtatrabaho na naaayon sa Constitution at sa batas,” ayon pa kay Castro.

Samantala, kinumpirma ni House Secretary General Cheloy Garafil na naipasa na sa Office of the Speaker ang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Marcos Jr. para sa nararapat na aksiyon.

Ayon kay Garafil, ang naturang paglilipat ay hudyat ng pagsisimula ng panloob na proseso ng Kamara sa pagtupad nito sa mandato ng Konstitusyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble