Inaprubahan na ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang optional retirement ni dating Philippine National Police Chief General Nicolas Torre III.
Epektibo ang kaniyang pagreretiro noong Enero 19, taong 2026, kasunod ng kaniyang paglipat sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kung saan siya ay itinalagang general manager.
Dahil sa pag-apruba ng kaniyang pagreretiro, inaasahan na ring magiging opisyal ang pag-upo ni Acting PNP Chief Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. bilang bagong hepe ng Pambansang Pulisya.
Ayon sa impormasyon, nakatakdang i-promote si Lieutenant General Nartatez bilang four-star general, isang kinakailangang hakbang bago tuluyang maiproklama ang kaniyang pamumuno bilang PNP chief.
Posible umanong ngayong linggo isagawa ang pormal na proklamasyon ng kaniyang pagkakatalaga bilang bagong hepe ng Pambansang Pulisya.
Patuloy namang nakaantabay ang publiko sa magiging direksiyon ng Pambansang Pulisya sa ilalim ng pamumuno ni General Nartatez.
