PERSONAL na dadalo ngayong araw si President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagdiriwang ng 121st Police Service Anniversary sa national headquarters ng Philippine National Police (PNP).
Magsisilbing guest of honor si Pangulong Marcos Jr. sa nasabing okasyon kung saan bibigyang-diin ng programa ang mas malalim na ugnayan ng PNP sa mga mamamayan tungo sa mas maunlad na bansang Pilipinas sa ilalim ng temang: “Matibay na Ugnayan ng Pulisya at Mamamayan, Tungo sa Pagkakaisa Kapayapaan, at Kaunlaran.”
Matatandaan na sa ilalim noon ng Philippine Constabulary, nagsilbing kauna-unahang police force ng bansa noon, lumago ito at nagpatuloy sa pagbibigay ng serbisyo at natatanging paglilingkod hanggang sa kasalukuyan.
Partikular na kinikilala ngayon ang serbisyo ng mga kapulisan sa gitna ng pagtama ng COVID-19 sa bansa habang unti-unting nagbubukas ang ekonomiya sa iba’t ibang panig ng bansa bilang tugon sa bumababang kaso ng COVID-19.
Mula rito, inaasahan din ang Pangulo na magbibigay ng opisyal nitong direktiba o marching order sa mahigit sa 200,000 kawani ng PNP sa ilalim ng bagong talagang hepe ng PNP na si Police General Rodolfo Azurin, Jr.
Samantala, nilinaw ng PNP na sentro ng kanilang selebrasyon ngayong taon ay ang pagkilala sa mga natatanging kontribusyon at kabayanihan ng mga kapulisan kasama na ang nagbuwis ng kanilang buhay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin mula noon hanggang ngayon.
“As we celebrate this auspicious day, we also honor and pay tribute to our fallen police officers, our unsung heroes, whose legacy, exceptional dedication to duty, selfless service, and unconditional love and sacrifices for our country and countrymen are forever etched in the colourful history of the PNP,” pahayag ni Azurin.
Ngayong araw rin, opisyal na ilulunsad ang MKK=K Framework ng pamunuan ni General Azurin katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa mas mabilis, magaan, at matagumpay na pagkamit ng inaasam na kapayapaan at kaunlaran ng bansa.
“On the 121st anniversary of the police service, the Philippine National Police marches on, guided by the peace and security framework dubbed ‘Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan, tungo sa Kaunlaran’ or simply put “MKK = K”, standing in solidarity with the Filipino people as we work together for the full realization of the government’s development goals on food and energy sufficiency, sustainable development, social justice, and just and lasting peace,” wika ni Azurin.
