HINAMON ng Malakanyang ang mga kritiko na maghain ng quo warranto petition laban kay Lieutenant General Antonio Parlade Jr. sa gitna ng panawagan na alisin ito sa posisyon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Inihayag ng Palasyo ng Malakanyang na ipinauubaya na nito sa pamunuan ng NTF-ELCAC ang tugon sa panawagang tanggalin na si Southern Luzon Command chief, Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. bilang tagapagsalita ng nasabing ahensya.
(BASAHIN: Pagpapatalsik kay Gen. Parlade sa NTF ELCAC, inirekomenda ng Senado)
Una rito, isinusulong muli ng ilang senador ang pagsibak kay Parlade sa katungkulan sa task force ng gobyerno kontra insurhensiya, na una na ring ipinanawagan nitong Marso dahil sa isyu ng red-tagging.
Sa isang public briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na ipinauubaya na nito sa NTF ELCAC ang desisyon kaugnay sa hirit na ito ng ilang senador.
“Sa ngayon po iniiwan na namin sa ELCAC mismo at nagsalita na po si National Security Adviser na, kung hindi po ako nagkakamali, eh pinapatahimik muna iyong dalawang spokesperson ng ELCAC until further guidance has been given them,” pahayag ni Roque.
Samantala, sinabi ni Roque na maaari namang maghain ng quo warranto petition ang mga kritiko laban kay Parlade sa isyu patungkol sa paghawak nito ng civilian post habang aktibong miyembro ng military.
“That’s actually po ay, you know, subject to debate kasi hindi po malinaw. Dahil siya naman po ay tumatayo, tagapagsalita na kabahagi rin po ang militar doon sa ELCAC. So, pupuwedeng nagsasalita po siya bilang tagapagsalita rin ng militar na represented po doon sa ELCAC. So let’s not dwell into that, kung mayroong mga talagang sigurado sa kanilang legal position eh magsampa po sila ng quo warranto, dahil iyan naman po ang remedy,” ayon pa kay Roque.
Sa kabilang banda, inihayag naman ni Senador Panfilo Lacson na malapit nang magretiro si Parlade at worthless lamang aniya kung maghahain ng quo warranto petition ngayon.
“Parlade is retiring soon. It may be worthless to file a quo warranto petition at this point. The majority of senators have spoken and expressed our collective sentiment in a resolution,” ani Lacson.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lacson na nakausap na nito sina National Security Adviser Hermogenes Esperon at Defense Secretary Delfin Lorenzana kaugnay sa gagawing aksyon kay Parlade.
“I have spoken with [National Security Adviser Hermogenes] Esperon and [Secretary of National Defense Delfin] Lorenzana on what action they have decided to take on Parlade’s designation as NTF-ELCAC spokesperson,” aniya pa.
Dagdag pa ng senador, hihintayin na lamang nito ang opisyal na aksyon ng pamunuan ng NTF ELCAC at DND ukol sa naturang usapin.
“I’d rather wait for that official action to take place,” ayon kay Lacson.
Kung matatandaan, naghain ang 15 senador ng resolusyon na nagse-censor kay Parlade matapos niyang tawaging “stupid” ang ilan sa mga ito.
Humingi naman ng paumanhin si Parlade kaugnay ng kaniyang “stupid” remarks.
Para sa kaalaman ng publiko, ang quo warranto ay isang aksyon o reklamo na maaaring isampa sa isang opisyal kung hindi ito kwalipikado sa posisyon na inuupuan.
