Mga mobile ATM ng Land Bank of the Philippines, ipakakalat sa mga lugar na biktima ng kalamidad

Mga mobile ATM ng Land Bank of the Philippines, ipakakalat sa mga lugar na biktima ng kalamidad

PINANGUNAHAN ngayong araw ng Land Bank of the Philippines ang paglulunsad ng sampung karagdagang mga mobile ATM.

Layon nito na ipakalat partikular na sa mga lugar na apektado ng mga kalamidad.

Dahil dito, inaasahang mas bibilis na ang transaksyon sa bangko, partikular na sa Land Bank, ng ating mga kababayan lalo na sa mga liblib na lugar dahil sa makabago nilang proyekto.

Ayon sa pamunuan ng Land Bank, nakita nila ang problema ng karamihan lalo na sa mga liblib na mga lugar na hirap sa pag-access sa withdrawals at bank transfers.

Ito ay lalo na sa mga lugar na karaniwang nakararanas ng ibat ibang kalamidad gaya na lang ng nagdaang lindol na tumama sa probinsiya ng Abra.

Tiniyak naman ng Land Bank ang seguridad ng kanilang mga machine lalo na sa mga benepisyaryo nito sa oras na maipadala na ang mga ito sa mga piling lugar.

Idedeploy ang anim na mga mobile ATM sa Land Bank branches sa Luzon, dalawa sa Metro Manila at tig-isa naman sa Visayas at Mindanao.

Samantala, personal naman na nagpasalamat si Manila City Mayor Maria Shiela ” Honey” Lacuna sa inisyatibang ito ng ng Land Bank.

Dahil aniya sa programa maraming residente ang magkakarooon ng tiyak na access sa banking at mga kahalintulad na serbisyo kahit sa mga pinakamalalayong lugar sa bansa.

Sa katunayan, isa ang kanilang lungsod sa nakatakdang tumanggap ng P10-B loan para sa pagpapalakas sa larangan ng kalusugan sa lungsod.

Matatandaang, isa sa mga nakabinbing proyekto ngayon ng lungsod ang pagpatatayo ng ospital ng Maynila para sa mga residente nito.

Bukod sa modernong pagamutan, nakahanda ring pondohan ng Land Bank ang programa ng lungsod para sa pagbibigay ng libreng lupa sa libu-libong residente nito na walang lupa at tiyak na mapagtatayuan ng kanilang hanapbuhay o pagkakakitaan.

Asahan ang susunod pa na batch ng mobile ATMs ng Land Bank of the Philippines na ipakakalat sa iba’t ibang panig ng bansa bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang ng ika-59 na taong anibersaryo sa bansa.

Follow SMNI News on Twitter