POSIBLENG madisqualify sa pagtakbo sa 2022 elections ang mga pulitikong mangangakong ibalik ang prangkisa ng ABS-CBN ayon kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta.
May paglalagyan sa batas ang mga kandidatong mangagakong ibalik ang prangkisa ng ABS-CBN, ayon sa isang abogado.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News, binalaan ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang mga pulitiko na ngayon pa lang ay nangangakong ibalik ang prangkisa ng ABS-CBN.
Ayon kay Marcoleta, labag sa election laws kung ang pagbuhay ng prangkisa ang bibitawang pangako ng isang kandidato.
“At kung talagang matibay ang kanilang paninindigan Mike, ngayon pa lang nanawagan na ako sa Comelec sapagkat kapag sila ay nangako na ibabalik nila ang ABS-CBN kapag sila ay nanalo at napunta sa senado, ngayon pa lang ay nalabag na nila yung article 261 ng omnibus election code. Nakalagay doon kapag ika’y nangako ng prangkisa ikaw ay lumalabag sa election code. Dapat ngayon pa lang ay ma-disqualify na sila Mike,”ayon kay Rep. Marcoleta.
Diin ni Marcoleta, tuwirang paglabag sa batas ang pangangako ng prangkisa ng mga kandidato.
“Mangangako ka palang Mike ha? Kapag ikaw ay nangako among others ng prangkisa, yan ay isang paglabag tuwirang paglabag sa omnibus election code at iyan ay ikatatanggal mo, madidisqualify ka. Kaya sinasabi ko, parang huwag nyo nalang sabihin at kung magyabang pa sila na sabihin yan, idemenda mo na sila Mike,”dagdag nito.
Para din sa mambabatas, malaking insulto sa taumbayan kung ipipilit ang pagbabalik ng prangkisa ng ABS-CBN sa kabila ng mga nadiskubreng paglabag.
“Para bang sa kanila ay walang nilabag. Nakakatakot yun kung ito ay pipilitin nila, hindi lang maiinsulto dito ang taumbayan at sabi ko nga ay nawawalan naman ng respeto sa ating mga batas Mike,”ayon kay Marcoleta.
