Mga taga-Marikina City, tutol sa kontrobersiyal na People’s Initiative

Mga taga-Marikina City, tutol sa kontrobersiyal na People’s Initiative

MARIKINA is Not For Sale ito ang kauna-unahang sigaw kontra People’s Initiative ng mga residente sa Metro Manila.

Ayon sa grupo ng mga dating Kapitan at Kagawad ng Marikina City, unconstitutional ang PI dahil hindi galing sa taumbayan ang inisyatiba.

“Dapat pag pumirma ka, ‘yung kusang loob mo. ‘Yun ang People’s Initiative. Pero once na ikaw ay pumirma, at may kapalit, hindi na People’s Initiative ‘yun,” ayon kay Frankie Ayuson, Samahan ng mga dating Kapitan at Kagawad.

Diin ng grupo, hindi bobo ang mga taga-siyudad na hindi mahalatang panggu-gulang ang pangangalap ng pirma sa kontrobersiyal na PI.

“Ay hindi po, matatalino ang mga taga- Marikina. Kaya po kami nagpagawa nito para lalong magising ang mga iba na nalalabuan. Baka mapapirma,” dagdag ni Ayuson

Sa Davao City unang pumutok ang ‘Dabawenyos Are Not for Sale’ movement.

Hanggang sa naging ‘Mindanaoans Are Not for Sale’ ang panawagan sa nakaraang prayer rally na pinangunahan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ang iba naman, ‘Filipinos Are Not for Sale’ ang kampanya.

Masidhing pagtutol sa aniya’y bilihan ng pirma kapalit ng ayuda at salapi para amyendahan ang 1987 Constitution.

Binantaan naman ni City Mayor Marcy Teodoro na ipapaaresto nito ang lahat ng mga magpapapirma sa PI sa kanilang siyudad.

Mga magpapa-pirma sa People’s Initiative sa Marikina, ipapaaresto

“At kung ito ay ginagawa nang, magpapirma na may kapalit na kabayaran, ito ay isang criminal act. At kung isa itong criminal act eh, ito’y dadakpin natin at hindi natin papayagan mangyari,” ayon kay Mayor Marcy Teodoro, Marikina City.

Hindi sumali sa People’s Initiative ang dalawang legislative district ng Marikina.

Kabilang sila sa 44 na natatanging distrito sa buong Pilipinas na tutol sa PI.

Pero kahit ganon, may mga sumubok na magpa-pirma sa siyudad.

“Ang mga nagpapirma ay hindi mga taga-Marikina eh. Galing sa ibang lugar. Huwag niyong subukan na gawin ito sa Marikina. Huwag ninyong maliitin ang kakayanan ng mga taga-Marikina at ang talino ng mga taga Marikina,” dagdag ni Teodoro.

“Marikeños Are Not for Sale! Panatilihin natin to. Panatilihin natin ‘yung ating dangal,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble