Mindanao researchers, nakaimbento ng foam technology na magagamit sa paglilinis ng oil spill

Mindanao researchers, nakaimbento ng foam technology na magagamit sa paglilinis ng oil spill

NAKAIMBENTO ang Mindanao researcher’s ng isang foam technology na puwedeng magamit sa paglilinis ng oil spill sa mga karagatan.

Naibalita kamakailan na nakagawa ang Department of Science and Technology-Balik Scientist sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT) ng foam technology na puwedeng maging solusyon sa oil spill.

Sa ‘Laging Handa’ public briefing nitong Huwebes, ibinahagi ni Dr. Arnold Lubguban,

MSU-IIT Professor at Center for Sustainable Polymers (CSP) Program Leader, kung paano makakatulong ang foam na ito sa paglilinis sa oil spill.

Ang naturang foam innovation ay tinatawag na ‘cocoflexsorb’ na makatutulong sa paglilinis ng oil spill sa mga karagatan.

Ani Lubguban, galing sa coconut oil ang naturang foam at na-develop sa ilalim ng DOST-Niche Centers in the Regions for r&d (NICER) program CSP sa MSU-IIT.

Dagdag pa ni Lubguban, ang cocoflexsorb ay sinasabing may superior oil absorption capacity na kayang sumipsip ng iba’t ibang uri ng langis tulad ng ilaw, gulay, kerosene, makina, at bunker oil.

 “Ang mga researcher po natin ay gumawa ng isang pormulasyon na magiging kapaki pakinabang–iyong coconut oil at ita-transform ito or gagawing foam na maaari pong, may kakayahan pong mag-absorb ng iba’t ibang klase ng oil,” ayon kay Dr. Arnold Lubguban, MSU-IIT Professor, CSP Program Leader.

Binanggit ni Lubguban na under development pa at maaari pa ring pahusayin ang kakayahan ng foam, ngunit puwede na rin itong magamit sa pagpigil ng pagkalat ng Mindoro oil spill.

Sa katunayan, ani Lubguban, nagawa na nilang subukan sa sariwang langis ang cocoflexsorb kung saan nagpakita ito ng magagandang resulta.

 “Katunayan po, ang ginawa po namin, kumuha kami ng bunker oil, iyon pong actual na bunker oil na ginagamit sa mga ships natin for transportation. Tapos nag-test po kami sa lab. Iyon pong fresh na sample ng bunker oil, ginamit po namin iyong [unclear] na ginawa ng mga researchers natin sa csp. Ang nangyari po, ang taas po ng absorption capacity nito,” dagdag ni Dr. Arnold Lubguban.

Inilahad naman ni Dr. Roberto Malaluan, isang MSU-IIT Professor at CSP Industry Coordinator, na ang naturang foam ay maaaring banlawan pagkatapos ay gamitin ng 20 – 30 beses.

 “Doon sa pagsusuri namin, reusable po itong ating foam. Once it absorbs the oil, puwede itong pigain at puwede nating ulitin pag-absorb ng oil. Base po sa pagsusuri namin, mga 20 to 30 times puwedeng ma-reuse iyong ating coco foam, cocoflexsorb,” ayon kay Dr. Roberto Malaluan, MSU-IIT Professor, CSP Industry Coordinator.

Ang nasabing teknolohiya ay inihayag sa ginanap na inagurasyon ng CSP sa MSU-IIT sa Iligan City.

Sa tagumpay na ito, umaasa ang Mindanao researchers na mabigyang-inspirasyon pa ang mga mananaliksik na magpatuloy sa pag-invest sa mga makabagong teknolohiya tungo sa isang mas malusog at malinis na kapaligiran.

Samantala, nagpasalamat naman ang mga Balik Scientist o MSU-IIT sa DOST dahil sa pagpopondo nito sa NICER program o sa kanilang research activities.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter