Pagkakapasa ng Virology and Vaccine Institute Bill sa Kamara, welcome sa DOH

Pagkakapasa ng Virology and Vaccine Institute Bill sa Kamara, welcome sa DOH

LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukala para sa pagtatag ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP).

Sa ilalim ng House Bill 6452, ang Virology and Vaccine Institute of the Philippines ay magiging pangunahing research and development institute para sa pag-aaral ng mga virus at viral diseases.

Sa pamamagitan din ng pagkakaroon ng bansa ng sariling VIP sa ilalim ng panukala ay maaari nang makapagsagawa ng pag-aaral para makagawa tayo ng sariling bakuna bilang paghahanda sa mga virus na maaring pumasok sa bansa.

Ayon sa DOH, malaking bagay ito para hindi na aasa pa ang Pilipinas sa ibang bansa para sa mga bakuna.

Matatandaan na noong dumating ang COVID-19 ay nahirapan ang Pilipinas kung saan hahagilap ng bakuna pangontra sa sakit.

“Kasama po ang Kagawaran ng Kalusugan na umupo with the Department of Science and Technology para buuin itong mga nakalagay na components ng batas na ito. Dahil alam natin napakaimportante na unang-una mapag-aralan natin hindi lang ito vaccine institute meron ding virology institute. Mapag-aralan natin lahat ng organismo na maaaring makapag-cause ng sakit dito sa ating bansa especially viruses. Pangalawa, magkakaroon ng kakayanan ang Pilipinas na mag-manufacture ng sarili nating bakuna. Matatandaan natin na nag-umpisa po ang pandemya, na nag-umpisa ang pagpo-produce ng bakuna hirap na hirap ang bansa natin na kumuha pa sa ibang bansa ng mga bakuna na kailangan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Vergeire.

Sa ilalim din ng panukala, gagawa ng partnership ang mga pangunahing siyentista at virology centers para sa pagsasagawa ng pag-aaral upang magkaroon ng innovations na pagpapaunlad ng virology sa bansa.

Ayon kay Vergerie, kung tuluyang maipapasa at magiging batas ito, maaaring sa loob ng 5 taon ay kaya nang makalikha ng sariling bakuna ang bansa.

“So, with this Vaccine Institute of the Philippines, we can then now say na maybe in five to ten years maaari na tayong maka-produce ng atin na mga bakuna dito sa bansa,” ayon kay Vergeire.

Ang naturang panukala ay kasalukuyang nakabinbin pa sa Senado.

BASAHIN: Sen. Jinggoy, kumpiyansang maipapasa ng Senado ang panukalang National CDC at Virology Institute

Follow SMNI News on Twitter