BUMAGSAK sa 4.1% ang inflation ngayong Nobyembre dulot ng mas mabagal na pagmahal ng pagkain.
Patuloy na bumagal ang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa Pilipinas nitong Nobyembre.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), naitala ang inflation sa 4.1% sa Nobyembre na mas mabagal kumpara sa 4.9% noong Oktubre.
Ang pagbagal sa inflation sa pagkain at non-alcoholic beverages na nasa 5.7% ang pangunahing nakaambag dito.
Ang nag-ambag ng malaki sa pagbaba ng inflation ng food and non-alcoholic beverages ay ang pagbagsak ng presyo ng vegetables, tubers, cooking bananas at iba pa na may -2.0% inflation.
Ilan sa mga bilihin na may pagbagal sa pagtaas sa presyo ay ang gulay tulad ng kalabasa.
Mas bumagal din ang pagmahal ng isda partikular na ang dilis at pati na rin ang pulang asukal.
Nakaambag din sa 4.1% inflation ang pagbaba ng presyo sa transport na may -0.8 percent inflation.
“Ang nag-ambag ng malaki sa pagbagsak ng inflation ng transport ay ang mabilis na pagbagsak ng presyo ng gasolina na may -4.8% inflation at diesel na may -18.4% inflation,” ayon kay Usec. Dennis Mapa, National Statistician.
Pasok ang 4.1% inflation rate sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nasa 4% hanggang 4.8%.
