BINUWAG na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at Office of the Cabinet Secretary sa ibinabang unang dalawang executive order nito.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, sa ilalim ng inilabas na EO No. 1, ipinag-uutos ni Pangulong Marcos ang reorganization ng Office of the President at mga konektadong ahensiya ng tanggapan.
Nakasaad din sa naturang EO ang opisyal na pagbuwag ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kasama ang Office of the Cabinet Secretary (OCS).
Sa ilalim ng kautusan, maililipat na sa Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs ang dating kapangyarihan at tungkulin ng PACC.
Kasunod naman ng pagbuwag na rin sa Office of the Cabinet Secretary, ang Cabinet secretariat na ang aasiste sa Chief Executive sa pagbuo ng agenda topics para sa cabinet deliberations.
Gagawin ito nang may koordinasyon sa Office of The Executive Secretary.
Mapasasailalim ang cabinet secretariat sa direktang kontrol at pangangasiwa ng Office of the Presidential Management Staff.
Kaugnay nito, iniutos ni Pangulong Marcos sa Department of Budget and Management (DBM) ang pagkakaloob ng benepisyo sa mga apektadong personnel kasunod ng pagbuwag sa mga opisinang ito.
Ang paglalabas ng kaukulang pondo hinggil dito ay subject to civil service, budgeting, accounting and auditing rules.
Sa ngayon, hindi pa masabi kung ilang empleyado mula sa PACC at Office of the Cabinet secretary ang naapektuhan ng nasabing abolisyon.
Samantala, naglabas din si Pangulong Marcos ng Executive Order No. 2.
Nilalaman ng nasabing kautusan ang pagbuwag na rin ng Office of the Presidential Spokesperson at pagpapalit ng pangalan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Pinababago ni Pangulong BBM ang pangalan ng PCOO kung saan magiging Office of the Press Secretary (OPS) na ang tawag sa naturang tanggapan na pamumunuan ni Secretary Cruz-Angeles.
Nakasaad din sa EO No. 2 na may kapangyarihan ang OPS na magtalaga ng assistant secretary at personnels na hindi hihigit pa sa 20.
Papayagan din ang 8 undersecretaries, kasama ang kanilang sariling assistant secretaries at support staff.
Direkta na ring hahawakan ng OPS ang Apo Production Unit, Bureau of Broadcast Services, National Printing Office, Intercontinental Broadcasting Corporation, News and Information Bureau at ang People’s Television Network.
Habang isasailalim naman ang Radio Television Malacañang (RTVM) at lahat ng permanent personnel, equipment, at functions nito sa Presidential Management Staff (PMS).
Direkta ring hahawakan ng Office of the President ang Philippine Information Agency (PIA).
Ia-absorb ng PIA ang mga opisina na nasa pangangasiwa noon ng PCOO gaya ng Bureau of Communications Services, Freedom of Information-Program Management Office at Good Governance Office.
Bukod dito, ipinag-utos din sa EO No. 2 ang pag-transfer ng permanent personnel, equipment, at functions ng binuwag na Office of the Presidential Spokesperson sa opisina ng Press Secretary.
Una nang sinabi ni PBBM na ayaw niyang magtalaga ng presidential spokesperson, sa halip, gusto nitong siya mismo ang humarap sa media.