P1-B compensation fund para sa mga biktima ng Marawi siege, kasama sa 2023 national budget – DBM

P1-B compensation fund para sa mga biktima ng Marawi siege, kasama sa 2023 national budget – DBM

NAGLAAN ang administrasyong Marcos ng pondo para sa mga biktima ng Marawi siege noong 2017.

Batay sa inilabas na statement ng Department of Budget and Management (DBM), nasa kabuuang P1 bilyon ang alokasyon para dito na nakapaloob sa 2023 national budget.

Layon ng naturang badyet na mabigyan ng kompensasyon ang displaced individuals at mga biktima na nawalan ng pribadong ari-arian sa nangyaring Marawi siege.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, patunay ito na hindi nakalimutan ng pamahalaan ang Marawi residents partikular ang mga kapatid na Maranao.

Ani Pangandaman, siya mismo ay proud Maranao at personal nitong ikinatuwa ang naturang development.

Dagdag pa ng kalihim, ang kompensasyon ay lubos na magpapasigla sa proseso ng rehabilitasyon at pagbawi ng lungsod na nasira ng digmaan.

 “I myself am a proud Maranao, and I am personally happy of this development. The compensation will greatly rev up the rehabilitation process and recovery of the war-torn city, especially our people,” pahayag ni Pangandaman.

Ang naunang pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi ay kasama sa 2018 General Appropriations Act (GAA).

Gayunpaman, mula 2018 hanggang 2022, nakalaan lamang ang naturang funds para sa mga rehabilitation efforts kasama rito ang mga proyektong pang-imprastraktura.

Ang Marawi Siege Victims Compensation Fund ay kasama sa 2023 national budget na inihain sa ilalim ng P31-bilyong Calamity Fund para sa susunod na taon.

Nakapaloob sa P1 bilyon na inilalaang pondo, na dapat gamitin ito para sa kabayaran sa (i) sinumang legal na may-ari ng tirahan, kultura, komersyal na istruktura, at iba pang mga ari-arian sa main affected areas  ng Marawi o iba pang apektadong Lugar na totally o partially destroyed or damaged sa nangyaring Marawi Siege; o (ii) mga may-ari ng pribadong ari-arian na dinemolished alinsunod sa implementasyon ng Marawi Recovery, Rehabilitation, and Reconstruction Program.

Batay ito sa nakasaad sa R.A. No. 11696 at mga alituntunin na ilalabas ng Marawi Compensation Board.

 

Follow SMNI News on Twitter