OPISYAL nang dumaong dito sa Philippine National Navy headquarters ang dalawang fast attack interdiction craft-missiles.
Dalawa pa lamang ito sa siyam na binili ng Pilipinas mula sa bansang Israel.
Mula sa kapasidad ng attack missile, tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsisilbi itong banta sa mga nais manghimasok sa ating teritoryo.
Ito ang BRP Acero-Class at BRP Lolinato To-ong patrol gunboats ng Philippine Navy.
Dalawa mula sa siyam na missile-capable Shaldag MK V fast attack interdiction crafts na binili ng Pilipinas sa bansang Israel na inaasahang magiging katuwang sa maritime security patrol sa palibot ng teritoryo ng bansa.
Ito ay may haba na 32 meters, na may kakayanang makipagsabayan sa mga malalayong distansiya laban sa mga high value targets sa karagatan man o maging sa kalupaan.
Ayon kay AFP Chief of Staff LtGen. Bartolome Vicente Bacarro, malaking bagay ito sa mas pinalakas at modernong kagamitan at kasanayan ng mga kasundaluhan laban sa mga nais magbanta sa seguridad ng bansa.
Bukod sa patuloy na pagpapalakas ng AFP sa pamamagitan ng mga pagbili ng dagdag na kagamitan at pasilidad, kasalukuyan ding sinasanay ang marami sa mga tauhan nito sa iba’t ibang larangan gaya ng air, sea, at land base trainings katuwang ang iba’t ibang bansa na may malaking military defense potential.
Sa katunayan, naghahanda na rin ang bansa sa inaasahang pagbili ng submarine unit sa ibang bansa kasabay ng pagbuo ng ‘submarine group’ bilang paghahanda sa paggamit ng underwater warship ng Pilipinas.
Ilan sa mga pinagpipilian ng bansa para bumili ng submarine ang South Korea, Russia, at iba pang mga bansa.
Samantala, bagama’t hindi pa tapos ang Pilipinas sa pagpapaganda ng military defense nito lalo na sa usapin ng pagtatanggol at pagbabantay sa mga karagatang sakop ng bansa, nangangako ang AFP na mas malaking bagay kung bawat ahensiya ng pamahalaan ay magkakaisa sa pagtatanggol sa mga pag-aari ng Pilipinas mula sa mga nais sumakop at mang-angkin dito.
Sa ngayon, wala pang tiyak na deployment ang dalawang attack vessel ng Philippine Navy pero nakahanda na itong umalalay sa maritime patrol sa bansa.
Nagkakahalaga ang proyektong ito ng P10 bilyon habang inaasahan ang pagdating ng tatlong yunit nito ngayong taon at ang apat naman ay gagawin sa Philippine Navy shipyard sa naval station Pascual Ledesma sa Cavite City.