P3.7-M halaga ng smuggled na sigarilyo, nasamsam sa CamSur

P3.7-M halaga ng smuggled na sigarilyo, nasamsam sa CamSur

Nasamsam ang P3.7-M halaga ng mga ilegal na sigarilyo habang tatlong indibidwal ang naaresto sa buy-bust operation sa Barangay Godofredo Reyes Sr., Ragay, Camarines Sur nitong Nobyembre 17.

Unang naaresto ang isang 40-anyos na lalaki, residente ng nasabing lugar matapos magbenta ng dalawang ream ng mga smuggled na sigarilyo sa isang undercover police officer.

Sa isinagawang paghahalughog sa compound, nakarekober ang mga awtoridad ng 78 kahon ng iba’t ibang uri ng ilegal na sigarilyo na nagkakahalaga ng P3.4 milyon, kasama ang isang cellphone.

Makalipas ang halos 30 minuto, dumating sa naturang bodega ang isang itim na multi-purpose vehicle na may dalang karagdagang suplay ng sigarilyo.

Inaresto ang dalawang sakay nito, edad 27 at 30, kapwa residente ng Del Gallego, Camarines Sur, habang ibinababa ang siyam pang kahon na naglalaman ng 450 ream ng sigarilyong nagkakahalaga ng P261,000, kasama ang dalawang cellphone.

Napag-alamang walang nakalagay na graphic health warning at BIR tax stamp sa lahat ng nakumpiskang sigarilyo.

Nahaharap naman ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Graphic Health Warnings Law, Customs Modernization and Tariff Act at Sin Tax Reform Act.

Dinala na sa Ragay Municipal Police Station ang mga suspek at nakumpiskang mga ebidensiya para sa kaukulang disposisyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter