P57-M halaga ng medical equipment at supplies, binigay ng Australia sa AFP

P57-M halaga ng medical equipment at supplies, binigay ng Australia sa AFP

BINIGAY ng bansang Australia ang P57-M halaga ng medical equipment at supplies sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pinasalamatan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pamahalaan ng Australia sa samu’t saring kagamitan na ipinaabot sa AFP para sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Kabilang sa mga ipinagkaloob ng Australian government sa AFP ang medical equipment at supplies at Personal Protective Equipment (PPE) na nagkakahalaga ng P57-M.

Personal itong tinanggap nina Defense Secretary Delfin Lorenzana, AFP Chief of staff Lieutenant General Jose Faustino Jr., AFP health service command Chief Colonel Edgar Cardinoza mula kay Australian Ambassador to the Philippines Steven Robinson sa Pier 15, South Harbor sa lungsod ng Maynila.

Ayon sa AFP, patunay lamang ito na hindi nag-iisa ang Pilipinas laban sa COVID-19 lalo na sa pangangalaga sa kapakanan ng mga sundalo.

“The turnover of donations from the Australian government is a clear testament of the collaborative partnership that both our respective nations and military forces continue to nurture and sustain, as we aspire to work together in promoting the welfare of our people and country,”ayon kay Lt.Gen. Jose Faustino Jr.

Sinang ayunan ito ng kalihim dahil sa mas pinatibay na ugnayan ng dalawang  bansa na kasalukuyang humaharap sa nasabing pandemiya.

Nangako ang Defense department ng bansa na malaking tulong ito sa mga pangunahing misyong medikal ng sandatahang lakas ng Pilipinas.

‘’The Australian government has expanded the coverage of its defense cooperation program to include the pandemic needs of Filipino soldiers; a gesture that conveys the message that we are not alone in this fight. Certainly, these donations will ramp up the day-to-day clinical management and quality of care and service which AFP’s medical arm is expected to provide,”ayon kay Sec. Delfin Lorenzana.

Ang mga natanggap na donasyon ng AFP ay ilalaan sa Victoriano Luna Medical Center (VLMC) na isang military hospital.

Samantala, inaayos na ng Armed Forces of the Philippines ang pagpasok sa isang kasunduan sa Department of Health (DOH) kaugnay ng pagpapadala ng kanilang mga tauhan sa mga ospital.

Ito ay matapos ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa AFP at PNP medical corps para tumulong sa health workers dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay AFP Surgeon General Colonel Fatima Navarro, napakaloob sa kasunduan ang bilang ng military doctors, nurses, at nursing aides na ipadadala sa mga ospital at kung gaano katagal ang kanilang deployment.

Una nang inihayag ng AFP na limang teams ang kanilang ipadala kung saan dalawang team ay mula sa Philippine Army at tig-isang team mula sa AFP health services command, Philippine Navy at Philippine Air Force.

Maliban dito, tumutulong din ang AFP sa iba pang pangangailangan ng gobyerno sa paglaban sa COVID-19.

SMNI NEWS