Pagbabakuna sa general population, inaasahan sa Oktubre

Pagbabakuna sa general population, inaasahan sa Oktubre

INAASAHAN ng Pilipinas ang mas malaking volume ng suplay ng COVID-19 vaccines ngayong Setyembre.

Ayon kay National Rask Force Against COVID-19 at vaccine czar Carlito Galvez, Jr., ito ay bunsod ng steady supply ng Sinovac, Pfizer, at US-COVAX donation.

Ang isyu naman ng produksyon sa AstraZeneca, Moderna, at Sputnik ay naresolba na.

Ibinahagi rin ni Galvez na inisyal na 5.5 million doses Pfizer at 2 million Sinovac ang darating mula sa COVAX facility.

Maliban pa dito, nagbigay din ng garantiya ang COVAX na maglalaan ng nasa 8 hanggang 10 million doses ng bakuna ngayong Setyembre.

Madaragdagan na rin ang suplay ng Pfizer at Moderna kung saan inaasahan ang tig-5 million doses na deliveries ng naturang mga bakuna sa buwan ding ito.

Bukod dito, inaasahan din ang pagdating ng 1 million na Sputnik V vaccines at mai-de-deliver naman ang bakunang AstraZeneca na inorder ng mga pribadong sektor at ng local government units (LGUs).

Sa Oktubre naman, 10 million sa Sinovac; 10 million sa Pfizer; 3 million o 5 million sa Moderna; 1 million

sa AstraZeneca; 1 million sa Sputnik; 3 hanggang 5 million na manggagaling sa COVAX facility at donasyon mula sa iba pang bansa.

Sa kabuuan para sa buwan ng Setyembre at Oktubre, inaasahan na makatatanggap ang bansa ng 61 million doses ng bakuna.

Kaugnay nito, tiwala si Secretary Galvez na kung dumating na ang 61 million doses ng coronavirus vaccines, pupuwede nang magkaroon ng pagbabakuna sa general population.

Samantala, ngayong araw, inaasahang may darating na 600,000 doses na AstraZeneca.

Kung matatandaan noong Biyernes dumating ang 500,000 AstraZeneca shots sa bansa.

BASAHIN: Moderna vaccine, pinayagang iturok sa mga kabataan na may edad 12 hanggang 17

SMNI NEWS