Pagdagdag ng tauhan at Immigration counter sa NAIA, tiniyak ng DOJ

Pagdagdag ng tauhan at Immigration counter sa NAIA, tiniyak ng DOJ

TINIYAK ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na magdadagdag ang Bureau of Immigration (BI) ng mga tauhan at counter na ilalagay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Aminado si Sec. Remulla ang paghihigpit ng BI laban sa illegal trafficking sa bansa.

Aniya, isa ito kasi sa tinututukan ng ahensiya upang hindi mailagay sa panganib ang mga Pilipino na umaalis ng bansa.

Kaya naman ang payo niya sa mga pasahero partikular na sa umaalis ng bansa, tiyaking maagang dumating sa paliparan at kumpletuhin ang mga dokumentong kinakailangan para hindi na maabala sa kanilang paglipad na naging sanhi ng kanilang offload.

Bukod pa dito, isa rin sa tinututukan ng kagawaran na tiyakin na madadagdagan ang mga Immigration officer sa paliparan at Immigration counter, dahilan na mahaba ang pila ng mga pasaherong umaalis at dumarating sa bansa.

Tiniyak din ng kalihim na mayroong ginagawang pagsisikap sa Immigration para paghusayin ang sistema at ang pagkakaroon ng pagbabago sa Immigration law kabilang na ang modernization law.

Sa ngayon nakapasa na sa Lower House ang naturang panukala at inaantay na lamang ang bicam nito sa Senado.

Ang naturang pahayag ni Remulla ay kasabay sa isinagawang 1st 2023 Coordination Meeting with Stakeholders kasama ng Inter-Agency Council Against Trafficking na ginanap sa NAIA, araw ng Miyerkules.

Upang talakayin ang nagpapatuloy na umiiral na illegal trafficking sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter