Pagpapatupad ng deployment ban sa Kuwait, malaking implikasyon –Kabayan Partylist

Pagpapatupad ng deployment ban sa Kuwait, malaking implikasyon –Kabayan Partylist

AMINADO si Kabayan Partylist Representative, House Committee of Overseas Workers Affairs Ron Salo na malaki ang implikasyon sakaling magpatupad ang Pilipinas ng deployment ban sa Kuwait.

Matapos ang karumal-dumal na pagpaslang kay Jullebee Ranara sa Kuwait, hanggang ngayon naging mainit pa rin ang usapan ng mga opisyal ng pamahalaan kung paano hindi na mauulit ang nangyari sa Pinay worker.

Inihayag ni Rep. Salo, isa sa kanilang tinalakay sa stakeholders consultation ay ang pagpapatupad ng deployment ban sa Kuwait.

Ayon sa opisyal, mabigat na usapin ang deployment ban sapagkat sa kasalukuyan aniya ay may 250,000 na mga manggagawa sa Kuwait, at 70% ay mga domestic helpers.

Dahil dito, posibleng malaki ang implikasyon kung magpatupad ng deployment ban.

“Actually, isa rin po ito sa diniscuss kahapon. So, nakinig din po tayo doon sa sentimyento and of course, ang concern po rin nila, una sino po iyong—first, doon sa mga 250,000 na iyon, marami po diyan mag-i-end iyong kontrata. So, kapag nag-end po iyong kontrata, ano po iyong most likely na mangyayari ay maaaring hindi po sila pauwiin ng kanilang mga amo, kapag may deployment ban. Kasi iisipin po ng amo na maaaring hindi mapalitan iyong kaniyang kasambahay,” ani Rep. Ron Salo, Kabayan Partylist, House Committee of Overseas Workers Affairs.

Aminado rin si Cong. Salo na isa rin sa kanilang maingay na tinalakay sa meeting ang blacklisting sa mga employer na mapang-abuso.

Ayon sa kongresista, lumalabas na may 6,000 na reports ng OFWs ng pang-aabuso laban sa mga foreign employers sa Kuwait.

Ang tanong aniya kung kasama ba sa na-black list ang mga naturang employer.

Giit ng opisyal na dapat kasama sa listahan ng Department of Migrant Workers (DMW) at recruitment agencies ng mga employer ay mismong mga kasamang miyembro ng pamilya nito.

“Kasi usually ang nagha-hire po diyan is the head of the family, pero ang puwedeng gumawa rin po ng pang-aabuso sa mga kababayan po natin ay some family members. Kagaya rin po ng nangyari kay Jullebee, hindi po iyong ‘nag-recruit” sa kaniya, hindi po talaga iyong foreign employer, kung hindi iyong anak. Kaya mas mahalaga na dito po sa listahan o datos na mayroon po ang DMW po natin at noong mga recruitment agencies, kasama po iyong mga miyembro ng pamilya,” dagdag ni Rep. Salo.

Samantala simula nitong Linggo nang naiburol na si Jullebee Ranara sa kanilang bahay sa Las Piñas City ay ilang opisyal ng gobyerno ang personal na bumisita at nakiramay sa naiwang pamilya ng OFW.

Kasunod din ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa burol ni Ranara, sinundan na rin ito ng iba pang mga opisyal ng pamahalaan.

Kabilang na bumisita sina Senators Mark Villar at Francis Tolentino.

Sinundan naman ito ni OFW Partylist Marissa del Magsino. Kabayan

Sa panayam, sinabi ni Magsino na mayroon na ring bill na isusulong ang opisyal para mas lalong palakasin at patatagin ang karapatan ng mga OFW.

Si Senator Raffy Tulfo naman nakikiisa sa panawagan ng pamilyang Cabilis at Ranara na itigil na ang kumakat na pagtanggap umano ng blood money mula sa Kuwait Government kapalit ng hustisya sa pagkamatay ng OFW.

Giit ng naturang pamilya, hustisya ang kanilang hiling.

Si Senator Bong Go ay nagpaabot din ng pakikiramay sa pamilya ni Jullebee, kasabay nito ipinaabot niya rin ang tulong sa mga pamilya mula kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Gayunpaman, hustisya pa rin ng isinisigaw ni Sen. Go.

Inaasahan na sa mga susunod na araw ay marami pang mga personalidad ang bibisita sa burol ni Ranara.

Follow SMNI NEWS in Twitter