MAGIGING isang biyaya sa mga consumer, manufacturer, at trucker ang pagpapalabas ng Executive Order (EO) No. 41 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ito ang sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary for Communications Kim Lokin sa isang news forum sa Quezon City nitong weekend.
Ani Lokin, malaki ang pagbabawas nito sa mga presyo ng consumer goods lalo na habang papalapit ang Pasko.
Si Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng EO 41 na inilabas noong Setyembre 25, ay nag-utos sa mga local government units (LGUs) na suspindihin ang koleksiyon ng “pass-through fees”.
Layon nitong matiyak ang mahusay na paggalaw ng mga kalakal sa mga rehiyon na naaayon sa mga estratehiya upang muling pasiglahin ang mga lokal na industriya sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023-2028.
Saad pa ni Usec. Lokin, ang EO 41 ay magsusulong ng ease of doing business, makatutulong sa local businesses na mapababa ang gastos sa pagnenegosyo sa Pilipinas, at direktang tutugunan ang kalagayan at sentimyento ng mga mamimili upang makatulong na mapababa ang halaga ng mga bilihin.
Si Rina Papa, ang bise presidente ng Alliance of Concerned Truck Owners and Organization (ACTOO), ay ikinagalak ang pagpapalabas ng nasabing EO.
Sa tanong tungkol sa karagdagang gastos sa mga trucker na ipinapataw ng LGUs sa pamamagitan ng pass-through fees, binanggit ni Papa ang pagpapataw ng lungsod ng Maynila ng road user’s taxes, na aniya ay nagkakahalaga mula P2,000 hanggang 2,500 kada trak bawat buwan.
Pabigat aniya ito sa mga trak lalo’t ang dalawang pangunahing international ports ay matatagpuan sa Maynila.
Samantala, umaasa naman ang naturang grupo ng truck owners na maging bahagi ng technical working group sa pagbuo ng implementing rules and regulations (IRR) ng EO.
Nais ng trucking association na isaalang-alang, hindi lamang ang national roads, kundi pati na rin ang mga kalsadang patungo sa business centers, manufacturing sites at warehouses.
Una na ring hinimok ng DTI ang LGUs na tumalima sa mga probisyon ng EO No. 41.
Ipinalabas ng DTI ang panawagan matapos ipahayag ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang kanilang pagsunod sa kautusan.
Ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay naglabas ng abiso noong Setyembre 29, kung saan sinuspinde ang pangongolekta ng pass-through fees, ilang araw matapos ilabas ni Pangulong Marcos ang EO 41.