Palasyo, pinaikli ang oras ng trabaho ng gobyerno sa Sept. 23 para sa paggunita ng Family Week

Palasyo, pinaikli ang oras ng trabaho ng gobyerno sa Sept. 23 para sa paggunita ng Family Week

NAG-isyu ang Malacañang ng Memorandum Circular (MC) No. 64 nitong Miyerkules, na nagtatakda ng pagsuspinde ng trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa ilalim ng executive branch sa Lunes, Setyembre 23 mula alas-tres ng hapon.

Ito ay bilang paggunita sa National Family Week.

Hinihimok ng Palasyo ang lahat ng mga kawani ng gobyerno sa ehekutibong sangay na suportahan ang mga programa at aktibidad na may kaugnayan sa pagdiriwang ng Family Week.

Hinihikayat din ang pagsuspinde ng trabaho sa iba pang sangay ng gobyerno, independent commissions or bodies, at pribadong sektor, upang bigyan ng buong pagkakataon ang lahat ng pamilyang Pilipino na ipagdiwang ang 32nd National Family Week.

Gayunpaman, ang suspensiyon ay hindi kasama ang mga ahensiyang may tungkulin na nagbibigay ng batayang serbisyo at serbisyong pangkalusugan, paghahanda at tugon sa mga sakuna at kalamidad, at/o iba pang mahahalagang serbisyo – dahil magpapatuloy ang kanilang operasyon at pagbibigay ng kinakailangang serbisyo.

Ang MC 64 ay alinsunod sa Proclamations No. 60 (s. 1992) and No. 326 (s. 2012), na nagtatakda sa huling linggo ng Setyembre bilang ‘Family Week’ at ang ika-apat na Lunes ng Setyembre bilang “Kainang Pamilya Mahalaga” Day.

Nilagdaan ang MC 64 ng Executive Secretary noong Setyembre 12 at magkakaroon ito ng agarang bisa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble