MAKAAAPEKTO sa peace and order ayon sa Philippine National Police (PNP) ang panawagan na magbitiw ang lahat ng pulis.
Nirerespeto ng PNP ang panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magbitiw sa puwesto ang lahat ng mga pulis at ipaubaya sa mga sundalo ang kanilang trabaho.
Ito ay kasunod ng pagkakasangkot ng ilang matataas na opisyal ng PNP sa isyu ng ilegal na droga.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang nasabing panawagan ng dating Pangulo ay dahil sa kaniyang pagkadismaya.
Ayon kay Fajardo, maaapektuhan ang peace and order situation sa bansa kung ipauubaya nila sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang trabaho.
Magkaiba aniya ang kasanayan ng mga pulis at sundalo.
Kasabay nito, tiniyak ni Fajardo na gumagawa ng hakbang ang PNP upang malinis ang kanilang hanay laban sa mga tiwaling pulis at tuluyang mapanagot sa batas.
