Pastor ACQ, patuloy na nananawagan sa pagsuko ng mga CTGs sa gitna ng pagbagsak nito

Pastor ACQ, patuloy na nananawagan sa pagsuko ng mga CTGs sa gitna ng pagbagsak nito

PATULOY na nananawagan si Pastor Apollo C. Quiboloy sa pagsuko ng mga rebelde sa gitna ng pagbagsak ng CPP-NPA-NDF.

“‘Yan ang nakikita natin. Dismantled na talaga ‘yan. Wala nang katuturan ‘yung pakikibaka ninyo. Isuko niyo na ‘yung mga baril niyo. Mamuhay kayo nang payapa,” pahayag ni Pastor Apollo.

Ito ang inihayag ni Pastor Apollo sa kanyang programang Powerline nitong Miyerkules, Enero 25.

Ito’y kasunod ng pagsuko ng nasa 26 na mga dating miyembro ng komunistang teroristang grupong New People’s Army (NPA).

Batay sa report, sumuko ang mga ito dahil na rin sa hindi na nila makayanan ang paghihirap sa loob ng kilusan.

Kaya naman binigyang-diin ni Pastor Apollo na wala nang katuturan na manatili sa kilusan ang mga natitirang miyembro ng teroristang grupo.

Patay na aniya ang lider nilang si Joma Sison at ang mga natitira na lang aniya ay namemera na lang.

“Ano nga ba ang katuturan ng nasa kabundukan kayo? Samantalang ang mga lider ninyo, ang sarap ng buhay sa city. ‘Yung mga lider ninyong mga squad leaders ninyo, mga commander ninyo diyan sa NPA, hindi naman palagi diyan sa bundok. Pinupuntahan lang ata kayo diyan pero nandito sa siyudad ‘yan. At ang nalilikom nilang pera walang accounting ‘yan, sa gusto lang nilang gamitin. Kaya marami silang negosyo. Kayo naman naghihirap diyan sa bundok; nilalamok, nililinta, pagkatapos dinedengue, namamatay sa gutom; pagkatapos nagpapagamit kayo. Patay na ang inyong lider, si Joma Sison. At ‘yung mga naririyan, pamemera na lang ang kanila. The biggest extortion criminal group in the Philippines — ang CPP-NPA-NDF,” ayon pa sa butihing Pastor.

Mga rebelde hindi mananalo vs AFP – Pastor ACQ

Inihayag din ni Pastor Apollo na kung pakikipagbakbakan ang pag-uusapan, wala na ring panalo ang teroristang grupo dahil napakamoderno na ng sandatahang lakas ng Pilipinas.

“Ang sandatahang lakas natin ngayon, napakamoderno na. Kung pakikibaka naman sa kabundukan ang gusto ninyo, wala kayong panalo kasi mas moderno ang ating armed forces. Pero ‘pag sumuko kayo at pagkatapos bumalik sa mainstream natin, magkakaroon pa kayo ng mapayapang buhay. Hindi kayo tago nang tago. Kasama niyo pa ang pamilya niyo. Tutulungan pa kayo ng pamahalaan. Poproteksyonan pa kayo ng ating sandatahang lakas,” aniya pa.

Pastor ACQ, ikinatuwa ang pagkakadiskubre sa isang ‘arms cache’ ng NPA sa Oriental Mindoro

Samantala, ikinatuwa naman ni Pastor Apollo ang pagkakadiskubre ng militar sa isang arms cache at ilang sangkap sa paggawa ng bomba ng teroristang grupo.

Ito’y matapos isiniwalat ng dating mataas na lider ng NPA ang kinaroroonan nito sa Sitio Buswak, Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro.

“Kudos to the Armed Forces of the Philippines at diyan sa pangunguna ng ating 4th Infantry (Scorpion) Battalion under Lieutenant Colonel Jeriko Roman Sasing. Paubos na. Papunta na tayo sa kapayapaan. We will sustain this by our information war against the CPP-NPA-NDF hanggang sa ma-dismantle itong armed group nila,” dagdag nito.

Legal front orgs ng CPP-NPA-NDF, dapat ding i-dismantle – Pastor ACQ

Dagdag pa rito, sinabi rin ni Pastor Apollo na dapat ding i-dismantle ang mga legal front organizations ng CPP-NPA-NDF.

“At ito namang i-dismantle natin, itong kanilang nasa white area, nasa legal front na nagkukunwari palagi, nagtatago, nagkukunwari, nagsisinungaling na hindi sila kasabwat, na hindi sila kasama pero ‘pag sinabi mong kasama sila, red-tagging kaagad ang kanilang iaakusa sa’yo. Pagkatapos nandoon sila sa libing ni Joma Sison. Nandoon sila nagpupugay. Sila na mismo ang nagred-tag sa kanilang sarili. Ang red-tag naman, hindi galing sa atin, galing sa kanila para makapagtago sa kanilang ginagawa pero suportado nila ang underground movement. Dual tactics ‘yan ng mga komunista,” aniya.

SMNI, natatanging broadcast media na lumalaban vs CPP-NPA-NDF 

Samantala, ipinagmalaki naman ni Pastor Apollo ang SMNI dahil ito aniya ang natatanging broadcast media na umaayon sa laban kasama ang bayan na kontra sa CPP-NPA-NDF.

“At the same time, ang SMNI nagbibigay ng mga impormasyong totoo na hindi itinatago ang katotohanan sa ating panawagan. Palagi akong tumatawag at sinasabi na sumuko na kayo. ‘Yung programa naming “Laban Kasama ang Bayan”, ‘yan lamang ang natatanging programa, at ang SMNI ang natatanging broadcast media na umaayon sa ating laban kasama ng bayan against sa CPP-NPA-NDF. Huwag po kayong makinig sa ibang media, wala kayong makukuha doon. Inaayunan pa nila ang ating kalaban kaya tumagal ng 54 years,” aniya pa.

Sa huli, panawagan din ni Pastor Apollo sa mga natitirang miyembro ng CPP-NPA-NDF na bukod sa magbalik-loob sa gobyerno ay muling ibalik din nito ang kanilang pananampalataya sa Diyos.

“Kaya ito ang panahon na sumuko na kayong lahat. Magbalik-loob at pagkatapos ibalik ang inyong pananampalataya sa Panginoong Diyos. At tumupad tayo sa ating tungkulin bilang isang tunay na mamamayan ng ating mahal na Inang Bayang Pilipinas,” pagtatapos ni Pastor Apollo.

Follow SMNI NEWS in Twitter