PINURI ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. (PBBM) sa isang event ang Presidential Security Group (PSG) dahil sa ipinamalas na serbisyo at dedikasyon kahit pa sa mga nakalipas na taon.
Isinagawa ng PSG ang Joint Closing Ceremony ng kanilang Very Important Person Protection Course (VIPPC) para sa Class 129-2022 at 130-2022.
Ginanap ang naturang aktibidad sa Malacañang Park sa Maynila nitong Oktubre 24, 2022.
Nagpaabot naman ng pagbati sa PSG si Pangulong Marcos sa naturang aktibidad.
Sa mensahe ng Punong Ehekutibo sa ginanap na pagtatapos sa VIP Protection Course ng PSG, kapuri-puri aniya ang debosyon ng mga PSG hindi lamang para mapangalagaan siya at ang First Family kundi pati na ng iba pang VIPs.
Nagsilbing kinatawan ni Pangulong Marcos sa nasabing event ang Presidential son na si Ilocos Norte Representative Sandro Marcos na nagbigay rin ng kanyang mensahe.
Ipinaabot ni Congressman Marcos ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa elite force ng PSG para sa kanilang dedikasyon.
Kabilang sa grumadweyt sa PSG Training Program ay ang aktor na si Matteo Guidicelli kung saan kasama nito sa naturang event ang kanyang maybahay, ang singer at actress na si Sarah Geronimo at pamilya nito.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Guidicelli sa lahat na sumuporta sa kanya.
Sinabi rin ni Guidicelli na isang karangalan na maging bahagi ng mga pagsasanay sa PSG at maging parte ng elite force na mangangalaga sa Presidente at sa First Family.
Si Guidicelli na isang reservist ng Philippine Army, ay ang kauna-unahang celebrity reservist na magiging PSG member.
Ang VIPPC ay isang mataas na dalubhasang propesyonal na kurso sa serbisyo na isinasagawa para sa mga PSG troopers.
Layon ng VIP Protection Course na matiyak ang isang 360-degree na proteksyon ng Pangulo, Unang Pamilya at mga bumibisitang pinuno ng estado at gobyerno.