Joel Escorial, hindi irerekomendang maging state witness sa kaso ni Percy Lapid –PNP

Joel Escorial, hindi irerekomendang maging state witness sa kaso ni Percy Lapid –PNP

HINDI irerekomenda ng Philippine National Police (PNP) na maging state witness sa kaso ng brodkaster na si Percy Lapid ang sumukong gunman na si Joel Escorial.

Ito ang iginiit ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. matapos lumutang ang posibleng pagpasok ni Escorial sa Witness Protection Program (WPP) ng gobyerno.

Ayon kay Azurin, kung susuriin, si Escorial umano ang most guilty sa kaso dahil sa pag-amin niya sa ginawang krimen kay Lapid.

Pero ipinauubaya na aniya nila sa Department of Justice (DOJ) ang pagtukoy kung kwalipikadong maging state witness si Escorial.

Naniniwala si Azurin na may sinusunod na panuntunan ang DOJ para sa isang indibidwal na nais pumasok sa WPP.

Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi niya hahadlangan ang pagiging state witness ni Escorial kung makakapagbigay ito ng mga kinakailangang impormasyon para malutas ang kaso ni Lapid.

Follow SMNI NEWS in Twitter