NAGTUNGO na sa London, United Kingdom (UK) si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para daluhan ang grand coronation ni King Charles III.
Ito’y matapos ang produktibong pagbisita ni Pangulong Marcos sa Estados Unidos.
Una nang nagpadala ng imbitasyon si UK Ambassador Laure Beaufils kay Pangulong Marcos para sa grand coronation ni King Charles III ng Britain sa Mayo 6.
Sa kaniyang post-visit statement sa US, sinabi ni Pangulong Marcos na dahil magkakilala sila ni King Charles na kokoranahan bilang Hari ng UK ay dapat lang na makadalo siya sa okasyon.
Lalo at hindi ito nakapunta noong namatay si Queen Elizabeth, bagkus, pinadala nito ang kaniyang kapatid na si Irene.
“Kaya’t sabi ko naman ay palagay ko dahil magkakilala kami, dapat naman ay napakalaking bagay na siya’y kokoranahan bilang Hari ng United Kingdom ay dapat makapag-attend na ako,” saad ni Pangulong Marcos.
Best airport practices sa London, titingnan ni Pangulong Marcos
Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na sa Gatwick Airport ang lapag nila para samantalahin ang pagkakataong tignan o suriin ang best airport practices sa London na maaaring i-apply sa pagpapabuti ng mga pangunahing paliparan ng Pilipinas.
Matatandaang muling binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangako ng kaniyang administrasyon sa pagpabubuti ng operasyon ng paliparan ng Pilipinas.
Upang matiyak ang matiwasay at mabilis na paglalakbay para palakasin ang sektor ng turismo ng bansa.
PBBM, makikipagpulong sa British PM; Isyu sa ekonomiya, kalakalan at oportunidad ng Filipino health workers, tatalakayin
Kaugnay rito, ibinahagi ni Pangulong Marcos na makikipagpulong siya kay British Prime Minister Rishi Sunak.
Aniya, gagawin ito marahil habang nag-aantay roon sa aktuwal na seremonya ng coronation kay King Charles.
“So very casual lang ito, very informal pero huwag natin mamaliitin ‘yang mga ganiyang klaseng meeting. Dahil kung minsan, ‘yung hindi mo aakalain mangyayari, may nangyayari na napaka-importante pala,” ayon kay Pangulong Marcos.
Inaasahang tatalakayin sa pulong ang pagpapatibay ng ugnayan sa hanay ng ekonomiya at pagsisikap na palalimin ang pakikipagsosyo sa kalakalan ng Maynila at London.
Samantala, nakatitiyak naman si Pangulong Marcos na babanggitin ni Minister Sunak kung maaaring makakuha ng healthcare workers galing sa Pilipinas na dadalhin sa UK.
“Dahil alam mo ang nangyari, noong pandemic sumikat talaga nang husto ang healthcare workers ng Pilipinas, na Pilipino at Pilipina ay kaya’t lahat ng bansa ay umaasa at nagtatanong kung puwede ba paramihin natin ang mga healthcare workers na pupunta,” ani Pangulong Marcos.
Mataas na antas na mga talakayan sa US officials sa official visit sa Estados Unidos, naging produktibo-PBBM
Bago ang pagbisita sa UK, inilarawan ni Pangulong Marcos ang kaniyang mataas na antas na mga talakayan sa mga opisyal ng Estados Unidos bilang produktibo.
Kabilang dito ang pulong kay US President Joseph Biden, US Vice President Kamala Harris at sa mga miyembro ng US Senate.
Nagkaroon din si Pangulong Marcos ng serye ng pagpupulong kasama ang iba’t ibang organisasyon, employer, at business leaders kung saan ipinagmamalaking ipinahayag ng Pangulo na napanatili ng Pilipinas ang matatag na pakikipagsosyo sa mga ito.
Kasunod nito, inaasahan ni Pangulong Marcos ang pagsasakatuparan ng naselyuhang
partnerships at agreements sa pagitan ng Pilipinas at US.
“I look forward to having our respective teams follow through on the many areas of cooperation that we have identified, which will help advance our key priorities,” ani Pangulong Marcos.
Inihayag pa ni Pangulong Marcos na pagkatapos ng coronation ay pabalik na siya ng Maynila.