NANAWAGAN ngayon ang isang grupo sa pamahalaan na gayahin ang Australia sa pagpatutupad ng ban sa paggamit ng vape o electronic cigarettes dahil sa malaking banta nito sa kalusugan lalo na ng mga bata.
Bawal na sa Australia ang recreational vaping o paggamit ng vape o electronic cigarettes bilang libangan.
Saad ni Australian Health Minister Mark Butler, nakakaalarma ang mataas na bilang ng mga kabataang nagva-vape.
Pinayagan ng Australian government ang vape bilang alternatibo sa mga naninigarilyo.
Pero imbes na makatulong, nalulong pa sa bisyong ito ang mga kabataan.
Naging talamak din umano ang bentahan ng vape sa mga estudyante sa elementarya at high school sa nasabing bansa.
Ito na ang pinakamalaking hakbang ng Australian laban sa e-cigarettes sa layuning mahinto ang teenage vaping.
Kung ang grupong Smoke-Free World naman ang tatanungin, mas maigi na umano ang vape kaysa sa paninigarilyo.
Hindi rin sila bilib sa ban ng Australia sa vape.
Ngunit kahit sino mang eksperto ang tanungin, lahat ng pagpapausok sa baga ay masama.
“So if you’re country issues to ban on youth smoking, it’s for your country to decide. But in my opinion, bans don’t work,” pahayag ni Dr. Ehsan Latif, Senior VP, Foundation for a Smoke-Free World.
Ang Davao-based pediatrician na si Dr. Richard Mata, napa sana-all sa ginawa ng Australia.
Bagay na dapat gayahin ng bansa.
“Well, bilib ako sa desisyon na yun na i-ban siya no. And of course based din yan sa mga scientific studies,” ayon kay Dr. Richard Mata, Davao-based Pediatrician.
Para sa mga mahilig mag-vape, narito ang mga sakit na puwede aniyang makuha.
“Eh siyempre yung mga vape, flavored din yan, galing yan sa iba’t ibang halaman or iba’t ibang mga prutas, ilalagay nila diyan so pwedeng ganun din ang effect na pwedeng magkaroon ng kaagad ng inflammation at reaction and asthma at pwedeng maging malubha kaagad,” dagdag ni Mata.
Para naman sa HealthJustice, panahon na para manindigan ang pamahalaan laban sa vape.
At tularan ang ginawa ng Australian government.
“Unang-una dapat mo siyang i-ban, ganun din yung sitwasyon dito sa Pilipinas, hindi natin alam kung gaano yung extent no ng produktong ito,” saad ni Atty. Ben Nisperos, Legal Counsel, HealthJustice.
Bukod sa ban, nanawagan din sila na higpitan ang pagpatutupad sa Vape Law habang wala pang total ban.
Bantay-sarado naman sa PNP ang mga paaralan laban sa mga estudyante at menor de edad na naninigarilyo at nagbe-vape.
“Ito’y usapin sa effort ng gobyerno kung kaya nitong magkaroon ng political will para protektahan ang mga kabataan laban sa e-cigarettes at vapes,” ani Nisperos.