NAGSILBING panauhing pandangal at keynote speaker si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa isang event sa Cebu City nitong Biyernes.
Personal na dinaluhan ni Pangulong Marcos ang pagbubukas ng seremonya ng 3rd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Business Advisory Council (ABAC III) Meeting sa NUSTAR Convention Center sa Cebu City.
Ang Pilipinas ang nagsisilbing host sa ABAC III Meeting mula Hulyo 27-30 na may temang, ‘Equity, Sustainability and Opportunity’.
Tatalakayin ng mga nangungunang business leaders mula sa 21 APEC Economies ang inaprubahang 2023 Work Program ng ABAC.
Tampok din sa naturang pagtitipon ang ilang isyu tulad ng economic integration, sustainable growth, financial services, inclusion, digitalization at innovation.
Kasama sa talakayan ang mga pangunahing makabuluhang isyu sa Pilipinas, partikular ang seguridad sa enerhiya, seguridad sa pagkain, pagbabago ng klima, digitalization at innovation lalo na sa edukasyon at kinabukasan ng trabaho.
Kabilang sa Philippine delegation sa 2023 ABAC III Meeting ay si Tomas Alcantara, chair ng ABAC Philippines, kasama ang ilang miyembro nito.
Ang ABAC event ngayon ay ang unang international event sa loob ng borders nito mula nang muling buksan pagkatapos ng pandemya.
Isang pribadong sektor na sangay ng APEC ang ABAC na itinatag noong Nobyembre 1995.
Ang pangunahing mandato nito ay payuhan ang mga pinuno at iba pang opisyal ng APEC sa mga isyu ng interes sa negosyo, magpresenta ng mga rekomendasyon sa APEC leaders, at payuhan ang mga opisyal nito kaugnay ng mga prayoridad at alalahanin sa sektor ng negosyo.
