PBBM, ikinagalak ang mga resulta ng pakikilahok ng Pilipinas sa 42nd ASEAN Summit sa Indonesia

PBBM, ikinagalak ang mga resulta ng pakikilahok ng Pilipinas sa 42nd ASEAN Summit sa Indonesia

NAKABALIK na ng Pilipinas si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kasama ang delegasyon ng bansa.

Matapos ang dinaluhang 42nd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits sa Labuan Bajo, Indonesia.

Sa kaniyang arrival statement nitong Huwebes ng gabi sa Villamor Airbase sa Pasay City, sinabi ni Pangulong Marcos na ikinagalak nitong iulat ang mga resulta ng pakikilahok ng Pilipinas sa 42nd ASEAN Summit sa Indonesia.

“I am happy to report on the outcomes of the PH’s participation in the 42nd Summit held in Labuan Bajo, Indonesia on the 10th of May to the 11th 2023,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Prinsipyo sa Free Trade at Multilateral Trading System, ipinahayag ni Pangulong Marcos sa ASEAN Summit

Inilahad pa ni Pangulong Marcos na binigyang-diin nito sa kanilang pagpupulong sa mga lider ng ASEAN ang kahalagahan ng pagtataguyod ng International Rules Based System.

Ito aniya ang siyang pinagbabatayan ng panrehiyong seguridad, kapayapaan, at kaayusan sa rehiyon.

Ipinahayag din ni Pangulong Marcos ang mga prinsipyo ng malaya at multilateral na sistema ng kalakalan.

“I expressed our commitment to the principles of free trade and the multilateral trading systems, called for enhanced support for nano businesses, MSMEs and their integration into the global economy,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Isinaysay pa ng pangulo na patuloy rin silang nagsusumikap tungo sa pangmatagalang seguridad sa pagkain, enerhiya, at tugunan ang mga epekto ng climate change.

Ibinahagi rin ng pangulo na ang Pilipinas ay nagpahayag ng suporta para sa mga pagsisikap sa pagbuo ng ASEAN community, kabilang ang pagpapalakas ng mga institusyon ng ASEAN.

Sitwasyon sa Myanmar, Russia-Ukraine war, isyu sa South China Sea, natalakay sa ASEAN Summit sa Indonesia

Samantala, sa mga talakayan sa sitwasyon sa Myanmar, nanawagan si Pangulong Marcos na sumunod sa 5-point consensus at nagpahayag ng suporta para sa mga pinahusay na hakbangin ng Indonesia sa pagpatutupad nito.

“We also came to an agreement that we would adjust our approach on the situation in Myanmar, and to try to engage Myanmar at every level and to all political factions that are active and are involved in the crisis situation in Myanmar,” ani Pangulong Marcos.

Bukod dito, ipinahayag din ng pangulo ang malalim na concern tungkol sa

humanitarian crisis at ang patuloy na economic impacts ng Russia-Ukraine war.

Aniya, nag-aambag ito ng kawalan ng seguridad sa pagkain at enerhiya.

Patungkol naman sa South China Sea, muling pinagtibay ng pangulo ang pangako ng Pilipinas sa mapayapang paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan sa pinag-aagawang teritoryo.

“On the South China Sea, I reaffirmed the Philippine commitment to the peaceful resolution of disputes and advocated for a rules based maritime order anchored on 1982 unclose,” ani Pangulong Marcos.

Pilipinas, buo ang suporta sa full ASEAN membership ng Timor-Leste—Pangulong Marcos

Samantala, ipinarating naman ni Pangulong Marcos na dapat suportahan ng ASEAN ang Timor-Leste sa full ASEAN membership nito.

Kaugnay rito, tiniyak ng pangulo sa punong ministro ng Timor-Leste na magiging katuwang nito ang Pilipinas sa pagsulong sa pagiging ganap na miyembro ng ASEAN.

Ang Timor-Leste ay kasalukuyang nasa isang observer status sa regional bloc.

Indonesian President Joko Widodo, pinasalamatan ni Pangulong Marcos

Samantala, ibinahagi pa ni Pangulong Marcos na lumahok din siya sa mga pakikipag-ugnayan ng mga lider sa ASEAN, kasama ang

ASEAN Inter-Parliamentary Assembly at ang representatives mula sa ASEAN Business Advisory Council, ang ASEAN Youth, at High Level Task Force on the ASEAN Community Post 2025 Vision.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos si Indonesian President Joko Widodo na host ng 42nd ASEAN Summit sa mainit na pagtanggap sa buong delegasyon.

Tiniyak naman ng pangulo na patuloy na makipagtulungan ang Pilipinas sa Indonesia, at iba pang mga bansang miyembro ng ASEAN.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter