TINAWAG ni Surigao del Norte Rep. Robert ‘Ace’ Barbers na ‘The Greatest Show on Earth’ ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Naalala aniya ng mambabatas ang sikat na 90’s magic show kung saan nawawala at lumilitaw ang mga tao bagay na kasama sa palabas para maaliw ang mga manonood.
Ganito ani Barbers ang nangyayari ngayon sa PCSO kung saan kaduda-duda ang sunud-sunod na panalo sa lotto games ng tanggapan.
Katulad na lamang aniya noong Oktubre 1, 2022 lotto draw ng PCSO na napanalunan ng 433 bettors kung saan kinukuwestyon ng mambabatas kung ito ba ay totoo o peke.
Nauna nang naugnay sa isyu ng iregularidad ang PCSO na ngayon ay hawak ni General Manager Mel Robles dahil sa ‘kaduda-dudang’ mga panalo sa lottery games nito.
Sa Senado, inamin ni Robles na pineke nila ang larawan ng isang winning bettor sa 6/43 draw noong Disyembre 28 bilang proteksiyon sa nanalo na nag-uwi ng P43-M.
Kinuwestiyon naman ni Barbers ang liderato ni Robles sa PCSO at ipananawagan ang resignation nito sa puwesto sa ngalan ng ‘delicadeza.’
Lalo na’t ang hinahawakang puwesto ng opisyal ay kaakibat ng malaking responsibilidad dahil pera ng bayan ang pinag-uusapan.
“Is the current manager a mathematician or a magician? What is his background and qualifications that earned him the position to manage an agency that raises billions upon billions in people’s money to be used for projects? Is he a finance expert?” ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert ‘Ace’ Barbers