BINASURA nga ng Commission on Elections (COMELEC) 1st Division ang petisyon na nagpapadiskwalipika kay Independent Senatorial Aspirant Pastor Apollo C. Quiboloy sa pagtakbo sa 2025 elections dahil sa material misrepresentation.
Ayon kay COMELEC Chair Atty. George Garcia, moot o wala nang dapat pagdesisyunan sa petisyon ng labor lawyer na si Sonny Matula dahil tumatakbo nang independent candidate si Pastor Quiboloy matapos nitong i-withdraw ang kaniyang nominasyon mula sa Workers and Peasants Party (WPP).
Nilinaw naman ng dibisyon na walang nakasaad sa probisyon sa Omnibus Election Code, na maaring maging direct ground ang isyu sa kaniyang CONA para sa diskwalipikasyon.
Ayon kay Matula, hindi awtorisado ang nakuhang CONA ni Pastor Apollo.
Pero ayon sa dibisyon, kahit pa unauthorized ang nakuha nitong CONA mula kay Atty. Mark Tolentino, hindi ito ground for material misrepresentation.
Una na ring sinabi ni COMELEC Garcia, na in good faith ang pagtanggap ni Pastor Apollo ng nominasyon mula kay Tolentino na nagpakilalang authorized signatory ng WPP kay Pastor Apollo.
Ayon din sa COMELEC Division, walang merito ang hiling ni Matula na madiskwalipika si Pastor Apollo dahil sa mga kaso nito dahil ayon sa dibisyon, wala pa namang final judgement ang korte laban kay Pastor Apollo.
Bigo rin aniya ang petitioner na patunayan na nuisance candidate o pampagulo lang sa halalan si Pastor Apollo.
Kamakailan ay sinabi na rin ng COMELEC na kasama na si Pastor Apollo sa final list ng mga legitimate na mga kandidato para sa pagkasenador kung saan pang-52 ito sa balota.
Sisimulan ng COMELEC ang pag-iimprenta ng balota sa Enero 6, 2025.