SUMAILALIM sa isang matagumpay na operasyon ang pinuno ng pangunahing oposisyon na Democratic Party ng South Korea na si Lee Jae-Myung, matapos itong masaksak sa leeg kahapon.
Ayon sa ulat, habang si Lee ay tumatanggap ng mga tanong mula sa mga mamamahayag matapos libutin ang construction site ng isang bagong airport sa Busan ay bigla itong sinaksak sa kaliwang bahagi ng kanyang leeg.
Agad namang sinaklolohan si Lee at isinakay sa helicopter upang agad na madala sa Seoul National University Hospital, ang pinakamalapit na ospital sa pinangyarihan ng insidente.
Makikita sa nakuhang video footage na nilapitan ng salarin si Lee para humingi umano ng autograph subalit bigla nitong sinaksak ang biktima.
Agad namang nahuli ang 60 anyos na lalaking salarin sa pagkakasaksak kay Lee at ngayon ay wala pang inilalabas na malinaw na dahilan kung bakit sinaksak si Lee.
Ngayon nga ay patuloy pang nagpapagaling ang pinuno ng partido mula sa matagumpay na operasyon matapos ayusin ang daluyan ng kanyang dugo at tanggalin ang mga namuong dugo sa kanyang katawan.