NAKAHANDA ang Philippine National Police (PNP) sa posibleng epekto ng tatlong araw na tigil-pasada ng grupong PISTON sa susunod na linggo.
Ito ay upang tutulan ang itinakdang deadline para sa franchise consolidation ng public utility vehicle (PUV) sa Disyembre 31.
Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Colonel Jean Fajardo, mayroon silang sapat na bilang ng sasakyan na maaaring magamit sa libreng-sakay ng mga maaapektuhang commuter.
Maliban dito, mayroon ding mga pulis na handang umalalay upang matiyak na magiging mapayapa ang transport strike sa Nobyembre 20 hanggang 22.
Nakiusap si Fajardo sa mga makikiisa sa tigil-pasada na huwag mamilit sa ibang papasadang jeepney driver at sumunod sa batas upang maiwasan ang pag-aresto.