WALANG kwenta! Ito ang matapang na pahayag ng Liga ng mga Magulang sa Pilipinas kaugnay sa rekomendasyon ni Special Rapporteur Ian Fry na buwagin ang itinatag na NTF-ELCAC kontra sa pamamayagpag ng CPP-NPA-NDF sa bansa mahigit limang dekada na ang nakararaan.
Sa panayam ng SMNI News kay League of Parents of the Philippines (LPP) President Nolan Tiongco, sinabi nito na isang walang kwenta ang pahayag ni Fry.
“Walang kwenta dahil walang kwenta. Kasi ano ba ang pinagmumulan ng rekomendasyon niya. Ininterbyu niya ‘yung mga anti, definitely, ito lang ‘yung ano niya, bias niya. Dapat both side. Halimbawa, sa panig namin, ininterbyu niya kami, ano ba ang naging epekto. Malaki ang epekto, malaking pagbabago kasi ang puno’t dulo ng pag-unlad natin nagiging stagnant dahil sa mga nanggugulo na terorismo pero kung walang magulong ganyan, malayo na ‘yung naabot natin,” ayon kay Nolan Tiongco, President, LPP.
Giit pa ng grupo, nang dahil sa impluwensiya ng makakaliwang ideolohiya ng CPP-NPA-NDF, matagal nang umusbong ang Pilipinas at hindi kagaya ngayon na halos napag-iiwanan ng mga karatig banda dahil sa salot na komunistang teroristang kilusan na ito.
“Kung walang ganyan, siguro, maaaring kasabay natin ‘yung mga bansa Japan, Malaysia, Vietnam. ‘Yung Vietnam, galing sa giyerang mahaba pero nasaan na ngayon sila, nauungusan na tayo ng malayo,” dagdag ni Tiongco.
Rekomendasyong buwagin ang NTF-ELCAC, paraan para buhayin ang CPP-NPA-NDF sa bansa—LPP
Sa kabilang banda, naniniwala rin ang grupo na ang pakawala ng UN si Fry para gawin ang rekomendasyong pagbuwag sa NTF-ELCAC para muling buhayin ang namamatay nang ideolohiya ng makakaliwang kilusan sa Pilipinas.
Anila, oras na makabalik ang impluwensiya ng NPA, malaking pondo na naman ito sa kanilang mga propaganda laban sa gobyerno na ngayo’y unti-unti nang namamatay dahil sa lakas ng NTF-ELCAC.
“Eh na-zero in na natin ‘yung CTG diyan eh. So, parang na-bulls eye ‘yan eh. Kaya ang tingin nila, kailangang mawala si NTF-ELCAC para mag re-surgent sila, mabuhay ulit sila kasi, alam mo naman ang CTG ay brainwashing ng mga kabataan eh. Kasi itong mga kabataang ito blindfolded na sumusunod doon sa idolohiya na ngayo’y wala na,” ani Tiongco.
Bilang katuwang ng pamahalaan sa pagsugpo sa panloloko o panlilinlang ng CPP-NPA-NDF sa bansa, nananawagan ang pamunuan ng LPP na huwag pakinggan ng pamahalaan ang mungkahi ng dayuhang si Fry sa halip ay ipagpatuloy ang magandang nasimulan ng NTF-ELCAC sa mga iba’t ibang komunidad sa bansa na ngayoy unti-unti nang bumabangon sa kahirapan at karahasan dulot ng pakikibaka.
“Yung NTF-ELCAC sine-zero in niya sa lokal eh, kasi ang ugat ng mga rebolusyon ay ‘yung mga mahihirap na bayan, pero dahil nandiyan ang NTF-ELCAC, nagkakaroon ng development and progress at dini-discuss ano ba talaga ‘yung ugat ng kahirapan? So, wala nang dahilan, nawawalan na sila ng dahilan na magrecruit,” aniya.
Nauna nang inalmahan ng pamahalaan at iba pang katuwang ng gobyerno na mga organisasyon ang pangingialam o panghihimasok ang mga dayuhan sa Pilipinas partikular na ang laban ng pamahalaan kontra CPP-NPA-NDF.
Sa katunayan anila, natapos ang 10 araw na misyon at imbestigasyon ni Fry sa bansa na hindi man lang kinukonsulta ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan para maipaliwanag ang eksaktong datos sa ilalim ng implementasyon ng NFT-ELCAC sa bansa.
