MAS malaking gastos sa kalsada ang kahaharapin ng mga motorista sa susunod na linggo, dahil sa inaasahang pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng mga pandaigdigang isyung nakakaapekto sa suplay.
Ayon sa pagtaya ng mga oil industry sources, posibleng tumaas ng hanggang P1.50 kada litro ang diesel, P0.80 kada litro ang gasolina at P1.05 kada litro sa kerosene sa susunod na linggo.
Ang inaasahang pagtaas ay epekto ng patuloy na tensiyon sa Red Sea kung saan muling umatake ang mga rebeldeng Houthi sa mga shipping routes—isa sa mga pangunahing daanan ng langis mula sa Gitnang Silangan.
Bukod rito, nakaapekto rin ang pagbaba ng oil production sa Estados Unidos, dahilan para tumaas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Sa ngayon, mahigpit na mino-monitor ng Department of Energy (DOE) ang galaw ng presyo.
Asahan ang pinal na anunsiyo ng dagdag-presyo mula sa mga kompanya ng langis sa darating na Lunes.
